Sergio Osmeña
Nanungkulang pangulo ng Komonwelt si Sergio S. Osmeña (Ser·hi·yó Is Os·mén·ya) nang mamatay si Pangulong Manuel L. Quezon sa Estados Unidos at hanggang mapalaya ang Filipinas sa wakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang pangyayaring ito ay itinuturing na bahagi ng malungkot na kapalaran ni Osmeña sa politika. Isa siyáng matagumpay na lider mula ng Cebu, matalinong abogado, mahusay na estadista, ngunit kung bakit laging nauunahan sa posisyon ni Quezon.
Naging magkamag-aral sila ni Quezon sa Letran. Pagkatapos ng Digmaang Filipino-Amerikano, nakatagpo niyang muli si Quezon nang mag-aral siya ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Kapuwa sila pumasa sa bar noong 1903 at siya ang pinakamataas sa pagsusulit. Sa Asamblea, nahigitan niya si Quezon at siya ang nahalal na ispiker, ang unang lider Filipino na humawak ng gayong mataas na tungkulin. Hinawakan niya ang tungkulin sa loob ng 15 taon (1907-1922). Ngunit nang itayo ang Lehislatura at magkaroon ng Senado o Mataas na Kapulungan, si Quezon ang naging pangulo nito.
Isinilang si Sergio Osmeña sa Cebu noong 9 Setyembre 1878. Sa buong pag-aaral niya sa kolehiyo ng Seminario de San Carlos ay nangunguna siyá hanggang magtapos ng gawaing sekundarya.
Sa panahon ng Digmaang Filipino-Amerikano ay nagtayo siya ng isang peryodikong naging bantog sa pagtalakay ng mga usaping makabansa. Nahirang siyang piskal ng Cebu noong 1903, nagwaging gobernador noong eleksiyon ng 1906, at nagbitiw upang kumandidato sa Asamblea.
Kasáma niya si Quezon sa itinayong Partido Nacionalista at naging mayorya sa Asamblea. Una niyang maybahay si Estefania Chiong Veloso at nang mamatay ito ay muli siyang napakasal kay Esperanza Limjap. Anak niya sa unang asawa si Sergio Osmeña Jr. na naging isang pambansang politiko din.
Sa Liberation, kasama siya sa hukbo ni Hen. Douglas MacArthur na dumaong sa Leyte noong 20 Oktubre 1944. Si Osmeña ang nag-asikaso sa rekonstruksiyong pambansa pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Noong eleksiyong 23 Abril 1946, tinalo siya ni Manuel A. Roxas sa pagkapangulo.
Umuwi siya sa Cebu at doon binawian ng buhay noong 19 Oktubre 1961.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sergio Osmeña "