Si Benigno Simeon Aquino Jr.
mas kilala bilang “Ninoy,” ay isang Filipinong senador na naging pangunahing kritiko laban kay Pangulong Ferdinand E. Marcos noong panahon ngdiktadura.
Pinaslang siya sa Paliparang Pandaigdig ng Maynila pagkauwi mula sa destiyero sa Estados Unidos.
Ang kaniyang pagkamatay ang nagsilbing mitsa ng pagkakaluklok ng kaniyang maybahay, si Corazon Cojuangco Aquino, bilang Pangulo na pumalit sa 20-taong rehimeng Marcos.
Isinilang siya sa Concepcion, Tarlac noong 27 Nobyembre 1932 kina Aurora Aquino at Benigno S. Aquino Sr., dating Assemblyman.
Ang kaniyang lolo, si Servillano Aquino, ay isang heneral sa hukbong rebolusyonaryo ni Emilio Aguinaldo.
Pumasok siya sa Ateneo de Manila upang mag-aral ng batsilyer sa sining. Hindi niya ito natapos sapagkat pinilìng maging peryodista.
Sa edad 17, si Aquino ay pumasok sa pahayagang The Manila Times ni Joaquin “Chino” Roces.
Siya ang naging pinakabatàng korespondent para sa Digmaang Korea, at sinundan niya doon ang mga gawain ng mga sundalong Filipino (PEFTOK).
Natamo niya dahil sa Korea ang Philippine Legion of Honor na iginawad sa kaniya ni Pangulong Elpidio Quirino sa edad na 18.
Kumuha siya ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas, ngunit hindi niya rin ito natapos.
Sa edad na 22, nahalal si Aquino bilang alkalde ng Concepcion, Tarlac. Siya ang naging pinakabatang bise-gobernador noon ng bansa sa edad na 27. Dalawang taon lang ang lilipas bago siya maging gobernador ng lalawigan.
Noong 1967, sa edad 34, siyá ang naging pinakabatàng halal na senador sakasaysayan ng Filipinas.
Dimalaon ay umusbong si Aquino bilang pangunahing kritiko laban kay Marcos at sa asawa nitong si Imelda. Nang ipahayag ang Batas Militar noong Setyember 1972, dinakip si Aquino at nakulong ng maraming taon.
Nagkaroon siya ng sakit sa puso at pinahintulutang lumabas ng bansa upang maoperahan sa Estados Unidos.
Sinubok niyang bumalik sa Filipinas noong 1983, ngunit pagtuntong pa lamang niya sa paliparan ng MIA, binaril siya sa ulo.
Ang kaniyang pagkakapaslang ang isa sa mga pangyayaring nagdulot sa People Power (EDSA) Revolution ng 1986 na nagbalik ng kalayaan sa taumbayan, at sa pagkakaluklok sa kaniyang iniwang maybahay na si Corazon Aquino bilang Pangulo ng bansa.
Noong 2010, nahalal din bilang pangulo ang kaniyang anak na si Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III.
Bilang pagpapahalaga, ipinangalan ang paliparang tagpo ng kaniyang kamatayan bilang Ninoy Aquino International Airport(NAIA).
Makikita ang kaniyang imahen sa 500-pisong papel ng Bangko Sentral ng Pilipinas, at matatagpuan ang kaniyang monumento sa sentrong distritong pangkalakaran ng Lungsod Makati.
Pinagmulan: Kermit Agbas
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Si Benigno Simeon Aquino Jr. "