Sino si Benigno Simeon C. Aquino III?


Tulad ng kaniyang inang si Pangulong Corazon C. Aquino, isang “di-akalaing” pangulo ng Republika ng Pilipinas si Benigno Simeon C. Aquino III (Be·níg·no Sim·yón Si A·kí·no) nang kumandidato at magwagi sa halalang 2010.


Hindi siya kasama sa mga pinagpipiliang kakandidato sa simula ng kampanya para sa eleksiyon. Sa gayon, bukod sa nahulí sa pagtakbo ay minaliit ang kaniyang kakayahan, mahina ang makinaryang pampolitika, at kulang sa pondo. Ngunit sinasabing dinala siya sa tagumpay ng bagong silakbo ng “Cory phenomenom” dahil sa pagpanaw ng ina noong 1 Agosto 2009.


Isinilang si Noynoy (ang palayaw niya) o PNoy (ang itinawag sa kaniya pagkaraang manalo) noong 8 Pebrero 1960 sa Maynila at pangatlo sa limang anak nina Benigno (Ninoy) Aquino Jr at Corazon (Tita Cory) Cojuangco Aquino.


Ikaapat na salinlahi na siya ng mga politiko sa pamilya, mula kay Servillano Aquino na delegado sa Kongresong Malolos, lolong si Benigno Aquino Sr. na ispiker sa Mababang Kapulungan noong 1943-1944, at mga magulang.


Nagtapos siya sa Ateneo de Manila noong 1981 at kasama ng pamilya nang kusang madestiyero si Ninoy sa Estados Unidos.


Nagbalik siya pagkatapos paslangin si Ninoy noong 1983 at tahimik na nagtrabaho sa pribadong sektor. Nahalal siya sa Mababang Kapulungan noong 1998 at muling nahalal noong 2001 at 2004. Kumandidato siyang senador noong 2007 at nagwagi. Sa panahong ito, sinabi nang dinala siya sa tagumpay ng magkatulong na popularidad ng ina at ng artistang kapatid na si Kris.


Umugong ang panawagang kumandidato sa pagkapangulo si Noynoy nang mamatay si Pangulong Corazon Aquino, lalo na upang ituloy ang kampanya noon ni Tita Cory laban sa mapagmalabis na gamit sa kapangyarihan ni Pangulong Arroyo.


Matagal bago nagpasiya si Noynoy. Kinailangan pa ang kampanyang lumikom ng sangmilyong lagda ng taguyod sa kaniya. Kumonsulta siya ng mga tao hanggang Mindanao. Nang tanggapin niya ang nominasyon sa Partido Liberal, ginawa niyang islogan ang paghanap ng “daang matuwid” para sa pagkakaisa at kaunlaran ng bansa.


Ipinamalas niya ang dibdibang pagsunod sa kaniyang islogan nang ipahayag niya pagkapanumpa bilang pangulo ang kampanya laban sa ugaling “wangwang.” Sinundan ito ng pag-usig sa sari-saring katiwaliang naganap sa nakaraang administrasyon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: