Sino si Melchora Aquino?


Binansagang “Tandang Sora” si Melchora Aquino (Mel·tsó·ra A·kí·no) bilang pagkilala sa kaniyang paglilingkod at pagkakanlong sa mga kababayan noong Himagsikang 1896 kahit na siya ay nasa katandaang gulang na. Itinuturing siya bilang “Ina ng Rebolusyong Filipino,” “Ina ng Katipunan,” at “Ina ng Balintawak.”


Isinilang siya sa Balintawak noong 6 Enero 1812 sa bayan ng Kalookan (at ngayon ay matatagpuan sa Lungsod Quezon) kina Juan at Valentina Aquino, pawang mga maralita. Sa kaniyang pagtigulang, ikinasal siya kay Fulgencio Ramos, isang cabeza del barrio. Nagsilang siya ng anim na anak. Pumanaw si Ramos noong pitong taon pa lamang ang kanilang bunso. Kahit nag-iisang magulang, naging abala si Aquino sa mga pista, binyag, at kasal bilang hermana mayor.


Nang sumiklab ang rebolusyon laban sa mga Espanyol noong 1896 ay 84 taong gulang na si Aquino. Ngunit hindi naging sagabal ang kaniyang edad upang makapaglingkod sa mga Katipunero. Naging kanlungan ng mga hapo at sugatang mandirigmang Filipino ang kaniyang tahanan at munting tindahan, na ginagamit ding lihim na pulungan ng mga ito. Pinakakain sila ni Tandang Sora at pinapupunta sa lugar na ligtas sa pang-uusig ng mga Espanyol. Nangangalap din siyá ng mga damit at gamot para sa kanila. Nasaksihan niyá at ng kaniyang anak na si Juan Ramos ang pagpunit ng mga sedula sa Unang Sigaw.


Dahil sa pagkakasangkot sa Himagsikan, hinili siya ng guwardiya sibil at dumaan sa interogasyon. Tumanggi siyáng magpahayag ng kaalaman ukol sa mga gawain ng Katipunan. Ipinatapon siyá ng mga Espanyol sa Guam sa Islas Marianas. Nang masakop ng mga Amerikano ang Filipinas noong 1898, kasama si Aquino sa mga pinalaya at pinabalik sa bansa.


Namatay siya noong 1919 dahil sa katandaan at inilibing sa sarili niyáng bakuran, na ngayon ay bahagi na ng Himlayang Pilipino Memorial Park. Ipinangalan sa kaniya ang isang distrito, isang barangay, at isang pangunahing daan ng Lungsod Quezon. Siyá ang kauna-unahang Filipina na mailagay sa salaping papel ng Bangko Sentral ng Pilipinas (100 pisong papel mula 1951 hanggang 1966); lumabas din siyá sa 5 sentimong barya mula 1967 hanggang 1992.


Ipinahayag ang taong 2012 bilang Taon ni Tandang Sora bilang paggunita sa ikalawang sentenaryo ng kaniyang kapanganakan; inilipat ang mga labí ni Aquino mula sa Himlayang Pilipino patungo sa Pambansang Dambana ni Tandang Sora sa Banlat Road, Barangay Tandang Sora, Lungsod Quezon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: