Dambana
Tumutukoy ito noon sa isang pook sa bakuran o sa komunidad na itinuturing na banal at pinagdadausan ng panalangin at ibang ritwal.
Tumutukoy ito ngayon sa mesa o estante sa pinakabanal na bahagi ng simbahan, sinagoga, o templo. Maaari din itong bloke ng bato, bunton ng lupa o nakataas na pook na pinag-aalayan sa diyos.
Sa loob ng simbahan ng mga Katoliko, ito ang kinalalagyan ng Banal na Sakramento, ng santong poon ng isang parokya, ng imahen ng Birheng Maria o ng patron ng simbahan.
Hindi gaanong gamitin ang salitang dambana dahil malimit altar ang ginagamit na salita sa katagalugan. Subalit nang itinayo ang Dambana ng Kagitingan sa Bundok ng Samat sa Pilar, Bataan, mas naging gamitin sa konteksto ng kagitingan at pagtatanggol sa bayan sa halip na relihiyoso. Ang naturang dambana ay isang pag-aalaala at parangal sa mga Filipino at Amerikanong sundalong lumaban noong Ikawalang Digmaang Pandaigdig. Itinayo ang dambanang ito noong 1966 kasabay ng paggunit sa ika-25 anibersaryo ng Digmaan. Tampok dito ang isang malaking krus na alay sa mga sundalong nagbuwis ng buhay sa Labanan sa Bataan.
Sa maraming panig ng Filipinas ay matatagpuan ang iba’t ibang dambanang kumikilala sa kabayanihan ng ilang magigiting na Filipino.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Dambana "