Araw ng Kagitingan
Kagitingan
1. pagiging magiting
2. katangian ng nagmamahal at nagtataguyod sa dangal ng pagkatao, naghahangad ng tagumpay at kadakilaan ng sariling komunidad o bayan, at nagsisikap para sa kagalingan at kabutihan ng kapuwa.
Ang Araw ng Kagitingan, kilala rin bilang ”Day of Valor” at ”Bataan Day,” ay isang pambansang araw ng paggunita sa pagbagsak ng Bataan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Idinadaos tuwing ikasiyam ng Abril, isa ito sa mga pambansang pista o holiday ng Pilipinas.
Noong ikasiyam ng Abril 1942, pagkatapos ng tatlong buwan na Labanang Bataan, isinuko ni Major General Edward King Jr. ng Estados Unidos ang mahigit-kumulang 76,000 sundalo sa hukbong Hapones.
Ang mga alyadong sundalo, Filipino, Amerikano, at Tsinoy, ay sapilitang pinalakad, at sa hulíng yugto ay ipinagsiksikan sa mga kotse ng tren, sa umaabot sa 140 km tungo sa Camp O’Donnell sa Capas, Tarlac.
Libo-libo ang binawian ng buhay sa tinatawag na ”Death March” dahil sa uhaw, init, gutom, karamdaman, at pagmaltrato ng mga Hapones. Mahigit-kumulang 54,000 sundalo lamang ang nakaabot nang buhay sa kampo.
Sa kasalukuyan, nakapaloob sa Linggo ng mga Beterano ng Filipinas (Philippine Veterans Week) ang Araw ng Kagitingan. Ilan sa mga opisyal na seremonya sa linggong ito ay idinadaos sa Libingan ng mga Bayani, Kampo Aguinaldo, Isla ng Corregidor, Capas, at ang Dambana ng Kagitingan sa Bundok Samat, Pilar, Bataan.
Sa karamihan ng okasyong ito, magkakasama sa paggunita ang mga beterano at kanilang kaanak, mga kinatawan ng Estados Unidos at bansang Japan, mga pinunò ng pamahalaan ng Filipinas, at mga kabataaang Filipino.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Araw ng Kagitingan "