Sakramento
Para sa Simbahang Katolika, ito ang mga ritwal na isinagawa ni Hesukristo at ipinagkatiwala sa Simbahan na nagkakaloob ng biyaya ng Diyos upang magkaroon ng isang banal na pamumuhay at kaligtasan ng kaluluwa.
Mayroong pitong sakramento ang Simbahang Katolika na nahahati sa tatlong grupo: ang sakramento ng Binyag, Kumpil, at Eukaristiya o Komunyon ang unang tatlong sakramentong nagpapakilala ng relihiyon sa indibiduwal; ang sakramento ng Kumpisal at Pagpapahid sa Maysakit ang dalawang sakramentong nagpapagalíng ng kaluluwa; at ang sakramento ng Banal na Orden at Kasal ang dalawang sakramentong para sa paglilingkod sa relihiyon.
Ang binyag ang ritwal ng pagbubuhos ng tubig ng pari o ministro sa isang sanggol o tao bilang tanda ng pagiging Kristiyano. Ang kumpil ang ritwal na nagtatalaga sa sinumang nabinyagan bilang kasapi ng Simbahang Kristiyano. Ang kumpisal ang pagtatapat ng kasalanan sa pari. Ang eukaristiya o komunyon ang pag-alaala sa Huling Hapunan sa pamamagitan ng misa.
Sa pagpapahid sa maysakit, gumagamit ng langis ang pari na inilalagay sa noo at sa ibang bahagi ng katawan ng táong malapit nang pumanaw dahil sa malubhang sakit o katandaan habang bumibigkas ng panalangin. Sa pamamagitan ng Banal na Orden nagiging pari, obispo, o diyakono ang isang lalaking nais maging bahagi ng paglilingkod sa Simbahan. Ang kasal ang kasunduang kailangan sa pag-aasawa na mayroong basbas ng Diyos sa pamamagitan ng Simbahang Katolika.
Naganap ang unang binyag at misa sa Filipinas noong 1521 nang marating nina Ferdinand Magellan ang mga isla sa Kabisayaan. Pinaniniwalaang idinaos ni Padre Pedro Valderrama ang unang misa sa bansa noong 13 Marso 1521 sa Limawasa, Leyte kasama ang mga tauhan ni Magellan at mga katutubo, partikular sina Raha Siaiu ng Mazaua at Raha Kulambo ng Butuan.
Unang nabinyagan naman sa Filipinas bilang Carlos at Juana sina Raha Humabon at ang kaniyang asawa sa Cebu. Ito ang naging simula ng paglaganap ng Kristiyanismo sa bansa.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Sakramento "