Gloria M. Macapagal-Arroyo
Nang patalsikin ng Pag-aalsang EDSA II noong 20 Enero 2001 si Pangulong Estrada, pumalit ang kaniyang pangalawang-pangulo na si Gloria M. Macapagal-Arroyo (Glór·ya Em Ma·ka·pa·gál Ar·ró·yo).
Tinapos ni Pangulong Arroyo ang natitirang panahon ni Pangulong Estrada, muling kumandidato at nagwaging pangulo ng Republika ng Filipinas sa eleksiyong 2004.
Isinilang si Gloria noong 5 Abril 1947 sa San Juan, Rizal (Lungsod San Juan ngayon) at panganay sa dalawang anak ni Pangulong Diosdado Macapagal kay Evangelina Macaraeg. Taga-Pampanga din ang Macaraeg ngunit nagkaroon ng bahay at ari-arian sa Lungsod Iligan. Malaking bahagi ng kamusmusan ni Gloria ang ginugol sa Lungsod Iligan.
Bumalik sa Maynila si Gloria noong 1957, nag-aral sa Assumption College, nag-aral sa Georgetown University noong 1964, nagtapos sa Assumption College ng Batsilyer sa Komersiyo magna cum laude noong 1968, at napangasawa si Jose Miguel (Mike) Tuazon Arroyo.
Tatlo ang anak nilá: sina Juan Miguel na naging kongresista, Evangeline Lourdes, at Diosdado Ignacio Jose Maria na naging kongresista din. Nag-Master sa ekonomiks si Gloria sa Ateneo de Manila, at nagdoktorado sa Unibersidad ng Pilipinas.
Maligalig ang panunungkulan ni Pangulong Arroyo. Una, marami ang naniniwala na hindi makatarungan at labag sa Konstitusyon ang pagtanggal kay Pangulong Estrada, bukod sa naging biktima lamang ang pinaalis ng sabwatan ng mariwasa’t makapangyarihan sa lipunan.
Noong 2003, isang pangkat ng sundalo ang nagsagawa ng Makati Mutiny bilang pagtutol kay Pangulong Arroyo. Nangako siyáng hindi na kakandidato noong 2002 ngunit biglang nagpahayag ng kandidatura para sa eleksiyong 2004. Nilabanan siyá ng popular na artistang si Fernando Poe Jr. Nanalo man si Pangulong Arroyo, lumitaw pagkuwan ang kasong “Hello Garci” at kaugnay ng sinasabing malawakang dayaan sa eleksiyon upang manalo si Pangulong Arroyo at mga kaalyado.
Noong 2003, inimbestigahan ng Senado ang kasong “Jose Pidal” at bahagi ito ng mga akusasyon hinggil sa malakihang korupsiyon at pagnanakaw na pinayagan ni Pangulong Arroyo at nagsasangkot sa kaniyang asawa. Ang malawakang pagkatalo ng mga kandidato ni Pangulong Arroyo sa eleksiyong 2010 ay itinuturing na katibayan ng pagbagsak ng kaniyang pangalan sa tingin ng taumbayan. Gayunman, tumakbo siyá at nagwaging kongresista ng Pampanga.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Gloria M. Macapagal-Arroyo "