Pangulong Diosdado Macapagal
Noong ika-28 ng Setyembre, 1910, isinilang sa Lubao, Pampanga si Diosdado Macapagal. Ikatlo sa limang magkakapatid, mula siya sa mahirap na pamilya nina Urbano Macapagal at Romana Pangan. Sa mga lumipas na taon ay binansagan siya na “poor boy from Lubao”, ngunit hindi ito naging hadlang sa kanyang karera. Bukod sa isang pulitiko ay kilala din si Macapagal bilang isang mahusay na mananalumpati at makata sa wikang Kapampangan, Filipino at Espanyol. Dalawang beses nag-asawa si Diosdado Macapagal, at siya ang naging ama ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang pangalawang asawa na si Eva Macaraeg.
Lumaki mang mahirap at natutong kumayod sa buhay sa murang edad, nagawa niyang makapagtapos ng high school bilang salutatorian at naging iskolar sa University of the Philippines sa kursong abugasya, ngunit napilitang huminto makalipas ang dalawang taon dahil sa kakapusan sa pera. Nagbalik din siya sa kanyang kurso sa University of Santo Tomas at naging bar topnotcher noong 1936, at nag-aral muli ng Master of Laws noong 1941, Doctor of Civil Law noong 1947 at PhD Economics noong 1957. Nang magtapos sa pag-aabugasya ay nagtrabaho siya sa Malacanang bilang legal assistant ni Pangulong Manuel Luis Quezon, at naging legal assistant din ni Pangulong Jose Laurel noong panahon ng mga Hapon, habang palihim na nakikipagtulungan sa mga gerilya.
Nang matapos ang digmaan ay nagpatuloy ang kanyang serbisyo bilang abugado, hanggang pumasok na si Macapagal sa pulitika nang mahalal bilang kongresista sa unang distrito ng Pampanga noong 1947 at itinanghal pa bilang isa sa 10 pinakamahusay na kongresista ng kanyang panahon at “pinakamagaling na mambabatas” sa kanyang ikalawang termino. Nagsilbi din si Macapagal bilang Pangalawang Pangulo ni dating Pangulong Carlos P. Garcia noong 1957, hanggang 1961 nang talunin niya sa halalan ang muling tumatakbong si Pangulong Garcia.
Isa sa mga nakamit ng administrasyon ni Macapagal ay ang pagbuwag sa polisiya ng tenancy o pagpapaupa na kasama sa probisyon ng kanyang programa para sa reporma sa lupa na Land Reform Code of 1963. Noong 1962, sa pamamagitan ng kanyang proklamasyon ay ipinalipat ni Macapagal ang petsa ng Araw ng Kalayaan ng ating bansa mula Hulyo 4 patungong Hunyo 12, at naging pormal ito nang lagdaan niya ang Batas ng Republika Blg. 4166 noong 1964. Muling tumakbo si Macapagal sa pagkapangulo laban kay Ferdinand Marcos noong 1965 ngunit natalo din dahil hindi na nasisiyahan ang mga tao sa pamumuno niya.
Naging Pangulo muli si Macapagal ng komisyong pangkonstitusyonal na magbabalangkas ng Saligang Batas ng 1973.
Nagretiro rin si Macapagal sa buhay-pulitika at itinuon na lamang ang natitirang buhay niya kasama ang kanyang pamilya, at ginugol niya ang kanyang natitirang panahon sa pagbabasa at pagsusulat ng mga aklat.
Pumanaw si Diosdado Macapagal sa edad na 87 noong ika-21 ng Abril, 1997 at inilibing sa Libingan ng mga Bayani.
Sanggunian:
• The Kahimyang Project (n.d.). Today in Philippine history, September 28, 1910, Diosdado Macapagal was born in Lubao, Pampanga. https://kahimyang.com/kauswagan/articles/645/today-in-philippine-history-september-28-1910-diosdado-p-macapagal-was-born-in-lubao-pampanga
No Comment to " Pangulong Diosdado Macapagal "