Ang Andres Bonifacio National Monument, mas kilalá bilang Monumento, ang pangunahing palatandaan at simbolo ng Lungsod Kalookan at matatagpuan sa hilagang dulo ng Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) at ng Abenida Rizal.


Ang dambana para sa pambansang bayani at tagapagtatag at Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio ang obra maestra ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal Guillermo Tolentino.


Noong 1930, itinaguyod ang isang timpalak para sa disenyo ng monumento ni Bonifacio. Ang likha ni Tolentino ang nahirang na nagwagi. Pinasinayaan ang Monuménto noong 30 Nobyembre 1933 sa pagdiriwang ng ika-70 anibersaryo ng kapanganakan ni Bonifacio.


May taas na 45 talampakan ang pylon o tore ng Monumento. Nakahápon sa tuktok ang may-bagwis na pigura ng tagumpay. Kinakatawan ng oktagonong paanan ng pylon ang unang walong lalawigang nag-aklas laban sa pamahalaang Espanyol, at para na rin sa walong sinag sa watawat ng Filipinas.


Ligid ang pylon ng 23 estatwang gawa sa tanso. Ilan sa mga pigura ang kina Bonifacio, Emilio Jacinto (Utak ng Katipunan), at Gomburza (Padre Gomez, Padre Burgos, Padre Zamora), pati na rin ang sa ilang di-kilaláng Katipunerong sumisimbolo ng Sigaw ng Pugadlawin.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: