Ang Gomburza ay daglat para sa pangalan ng talong paring Filipino, sina Mariano Gomez, Jose Burgos, at Jacinto Zamora, na binitay pagkatapos idawit ng pamahalaang kolonyal at mga prayle sa nabigong Pag-aalsa sa Cavite noong 1872.


Ang kanilang pagkamartir ay nakapagpaalab sa nasyonalismo ng mga Filipino at magdudulot, sa huli, ng Himagsikang 1896.


Noong 20 Enero 1872, umaabot sa 200 sundalo at obrero sa arsenal sa Cavite ang nag-alsa. Madaliang nasugpo ng mga Espanyol ang pag-aalsa ngunit ginamit itong dahilan upang supilin ang mga Filipinong makabayan at humihingi ng reporma sa pamahalaan.


Ginamit itong dahilan ng pamahalaang kolonyal at mga prayleng Espanyol upang idawit ang tatlong paring tinagurian ngayon bilang Gomburza. Tunay nilang pakay si Burgos, isang prominente at mestisong pari.


Matagal na siyang pinag-iinitan ng mga Espanyol dahil sa liberal na pananaw, pagsusulong ng sekularisasyon ng kaparian, at pagtatanggol ng karapatan ng mga Filipinong pari.


Malapit kay Burgos sina Gomez at Zamora, at magkakasama ang tatlo sa hangaring mapalaganap ang sekularisasyon para sa mga kababayang pari. Kahit mahina ang ebidensiyang mag-uugnay sa tatlo sa Pag-aalsa sa Cavite, hinatulan sila ng kamatayan pagkatapos ng maigsi at kahinahinalang paglilitis.


Noong 17 Pebrero 1872, binitay sa pamamagitan ng garote ang tatlong pari sa harap ng publiko sa Bagumbayan (ngayon ay Liwasang Rizal).


Pagkatapos bitayin, inilagak ang mga labĂ­ ng tatlong pari sa isang walangngalang libingan, bilang mga ”kalaban ng estado,” sa Sementeryong Paco. Tumanggi ang Arsobispo ng Maynila na tanggalin ang pagkapari ng tatlo sapagkat hindi daw sila lumabag ng kahit anong batas ng Simbahan.


Isa sa apektado ng martiryo ng Gomburza si Jose Rizal, na inalay ang kaniyang ikalawang nobelang El filibusterismo sa tatlong pari. Malapit na kaibigan ni Burgos ang nakatatandang kapatid at guro ni Rizal na si Paciano.


Sa kasalukuyan, matatagpuan ang isang palatandaan kung saan binitay ang Gomburza sa Liwasang Rizal (Luneta), at isang palatandaan kung saan sila inilibing sa Sementeryong Paco, pawang sa Lungsod Maynila. Ipinangalan sa kaniya ang ilang bayan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, Isabela, La Union, Pangasinan, Quezon, Surigao del Norte, at Timog Leyte.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: