Ang La Liga Filipina ang samahang itinatag ni Jose Rizal sa Kalye Ilaya, Tondo noong 3 Hulyo 1892, sa panahong umuusbong ang militanteng nasyonalismo sa lipunang Filipino.


Hangarin ng nasabing samahan ang mga sumusunod:

  1. pagkakaisa ng buong Pilipinas, 
  2. pagtataguyod ng mga reporma, 
  3. pagbibigay ng suporta sa edukasyon, agrikultura, at komersiyo, 
  4. paglaban sa anumang uri ng karahasan at di-makatarungang gawain, at 
  5. pagbibigay ng proteksiyon at tulong ng bawat kasapi sa isa’t isa.


Sina Ambrosio Salvador, Bonifacio Arevalo, Deodato Arellano, at Agustin de la Rosa ang tumayong pangulo, ingat-yaman, kalihim at piskal ng nasabing samahan habang may 14 naman itong kagawad, kabilang sina Andres Bonifacio at Apolinario Mabini.


Tungkulin ng bawat kasapi na magbigay ng butaw na 10 sentimo sa samahan buwan-buwan na gagamitin sa pagsustento sa masisipag at mahuhusay ngunit maralitang miyembro, sa pagtulong sa mga kasaping nangangailangan ng tulong pinansiyal, sa pagpapautang sa mga nagnanais pumasok sa negosyo o agrikultura, at sa pagpapatayo ng mga tindahang abot-kaya ang bilihin.


Bagama’t hindi subersibo o tahasang lumalaban sa pamahalaan ang La Liga Filipina, masigasig na binantayan ng mga awtoridad ang mga kilos at gawain ng mga miyembro nito sa simpleng dahilan na si Rizal ang nagtatag ng samahan.


Pansamantalang natigil ang samahan nang hulihin si Rizal at ipatapon siya sa Dapitan noong 7 Hulyo 1892.


Binuhay muli nina Mabini at Bonifacio ang La Liga Filipina ngunit di-nagtagal ay nagsawa rin ang mga miyembro sa pagbibigay ng mga buwanang butaw at sa kawalan ng pananalig na pakikinggan ng gobyerno ang sinusuportahan nilang pahayagan, ang La Solidaridad. Marami sa mga miyembro nito, katulad nila Mamerto Natividad, Domingo Franco, Numeriano Adriano, at Jose Dizon ay sumapi sa Katipunan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: