Nakikilala ng mga mag-aaral ngayon si Ferdinánd Blumentritt bilang kaibigang matalik at tagapayo ni Jose Rizal. Ngunit isa siyang iginagalang na Alemang iskolar, at kinaibigan ni Rizal dahil eksperto ito sa etnograpiyang Filipino. Marami siyang naisulat hinggil sa Filipinas bagaman hindi kailanman natuntong ng bansa.


Ipinanganak si Blumentritt noong 10 Setyembre 1853 sa Prague (bahagi noon ng Impreyong Austro-Hungarian) at nakapagsasalita rin ng Ingles at Czech. Naging guro siya at punong-guro sa Litomerice (Leitmeritz sa Aleman).


Minsan lamang silang nagkatagpo ni Rizal ngunit matalik ang naging pagsasama nila sa pamamagitan ng liham. Isinalin ni Blumentritt sa Aleman ang Noli me tangere at binigyan ng introduksiyon ang El filibusterismo, bagaman pinayuhan niya si Rizal laban sa paglalathala ng ikalawang nobela. Sumulat din siya ng introduksiyon sa Sucesos de las islas Filipinas ni Antonio Morga nang muli itong ipalathala nang may anotasyon ni Rizal.


Ilan pa sa sinulat niyang pag-aaral ang Diccionario mitologico de Filipinas. Madrid, 1895; Die Philippinen. Eine übersichtliche Darstellung der ethnographischen und historischpolitischen Verhältnisse des Archipels. Hamburg, 1900; Versuch einer Ethnographie der Philippinen. Gotha, 1882.


Namatay siya sa Leitmeritz noong 20 Setyembre 1913. Pinarangalan siya sa Filipinas sa pamamagitan ng pagpapangalan sa kaniya ng mga kalye at parke, gaya ng kalyeng Blumentritt sa Maynila.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: