On
Idinirihe ng Pambansang Alagad sa Sining sa Pelikulang si Eddie Romero ang pelikulang Ganito Kami Noon….Paano Kayo Ngayon? (1976) at sa panulat nina Eddie Romero at Roy C. Iglesias.


Ilan sa gumanap sa pelikula sina Christopher de Leon, Gloria Diaz, Eddie Garcia, Rosemarie Gil, Jaime Fabregas, Dranreb Belleza, E.A. Rocha, Leopoldo Salcedo, at Tsing Tong Tsai.


Umiinog ang kuwento kay Kulas, isang probinsiyanong may simpleng pangarap sa buhay, ang maglakbay.


Kasabay ng kaniyang pakikipagsapalaran ang pagsalubong ng mga Filipino sa siglo 20, panahon ng rebolusyong Filipino laban sa mga Espanyol. Pahapyaw ding itinampok ng pelikula ang pakikipaglaban ng ilang Filipino sa mga Amerikanong pumalit sa mga Espanyol bilang mananakop.


Nagsimula ang kakaibang pakikipagsapalaran ni Kulas nang masangkot siya sa isang di-pagkakaunawaan kasama ang isang paring Espanyol. Pinakiusapan siya ng pari na hanapin ang nawawala nitong anak. Sa pagtugon ni Kulas sa hiling ng fraile, nakilala niya si Diding, isang sarsuwelista. Sa pagkahulog ng loob niya sa dalaga, tuluyang naiba ang kaniyang landas.


Bukod sa kantahan, katatawanan, romansa, at digmaan, itinatampok sa pelikula ang suliranin ng mga Filipino sa pagtuklas at pagkamit ng sariling kaakuhan. Makikita rin dito ang iba’t ibang mukha ng mga Filipino noong panahong iyon: mandirigma, manlalakbay, tulisan, artista, amo, alipin, preso, pobre, at iba pa.


Kinilala ang Ganito Kami Noon….Paano Kayo Ngayon? bilang isa sa pinakamahusay na pelikula ng dekada 70. Tumanggap ito ng mga parangal tulad ng Best Direction, Best Picture, Best Screenplay, at Best Production Design sa Gawad Urian Awards; Best Actor, Best Music, at Best Supporting Actor sa FAMAS Awards; Best Director, Best Art Direction, Best Film, Best Screenplay, Best Music, at Best Actor sa Metro Manila Film Festival.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: