Sino si Eddie Sinco Romero?


Si Eddie Sinco Romero (É·di Síng·ko Ro·mé·ro) ay direktor ng pelikula, manunulat ng iskrip, at prodyuser. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa pelikula noong 2003.


Akdang Eddie Romero na itinuturing na klasiko ang trilohiya hinggil sa pagkatao ng Filipino: Ganito Kami Noon…Paano Kayo Ngayon? (1976), Aguila (1981) at Kamakalawa (1981).


Ang pelikulang Ganito Kami… ay pagsasalaysay sa pagkakatuklas ng isang batang probinsiyano sa identidad ng Filipino gamit ang kaniyang karanasan sa paglalakbay mula sa kanayunan patungong Maynila. Kasaysayan ng bansa mula Republikang 1898 hanggang sa pagtatapos ng rehimeng Marcos ang Aguila. Samantala, ang Kamakalawa ay satira sa prehistorikong lipunan ng bansa.


Noong 1992 itinanghal ang isang seryeng pantelebisyon ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas na idinirihe at isinulat ni Romero, ang 13-episodyong Noli me tangere.


Nagsimula siya sa pelikula bago pa ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ngunit naging ganap na direktor lamang pagkaraan ng digma.


Ang Kamay ng Dios ng Sampaguita ang una niyang idinirihe. Ang Buhay Alamang (1952) naman ang unang iprinodyus ni Romero sa pamamagitan ng Eddie Romero Productions.


Nagdirihe din siya ng mga pelikula para sa ibang bansa gaya ng The Day of the Trumpet (1957); The Scavengers (1958); Man on the Run (1959); The Raiders Of Leyte Gulf (1963); The Beast Of The Yellow Night (1971); Beyond Atlantis (1973); at A Case Of Honor (1988).


Ginawaran siya ng Papal Award bilang Direktor ng Pelikula ng Dekada 1971-1980 sa Catholic Mass Media awards (CMMA), at ng limang FAMAS, katayuang Hall of Fame, para sa mga isrip ng Buhay Alamang, Aguila, Passionate Strangers, Durugin si Totoy Bato, at Ang Padrino.


Ipinanganak si Eddie Romero noong 7 Hulyo 1924 at supling nina Pilar Sinco na isang guro at Jose E. Romero na dating Kongresista, kalihim ng Edukasyon, at embahador sa London.


Si Carolina Gonzales ang kaniyang napangasawa at biniyayaan sila ng tatlong anak. Nakapag-aral siya sa Mababang Paaralan ng Dumaguete, Ateneo de Manila, Unibersidad ng Pilipinas High School, at sa Unibersidad ng Silliman sa Dumaguete.


May Batsilyer ng Sining siya sa Unibersidad ng Pilipinas, Associate in Arts (prelaw) mula sa Silliman University, at doktorado sa Humane Letters mula sa Foundation University ng Lungsod Dumaguete.


Namatay si Romero noong 28 Mayo 2013 sa edad na 88.


Pinagmulan: NCCA Official