Si Raha Baguinda (Rá•ha Ba•gín•da) ay isang misyonerong Arabe at prinsipe mula Minangkabau, Sumatra, Indonesia, na isa sa mga unang nagpalaganap ng paniniwalang Islam sa Filipinas.


Nakarating siya sa kapuluan ng Sulu noong 1390, at kasama ang ilang tagasunod, pinalakas nila ang relihiyon sa mga isla. Tumira sila sa Buwansa (o Buansa), na siyang naging unang kabisera ng Sultanato ng Sulu.


Ang kaniyang manugang na lalaki (asawa ng kaniyang anak na babae na si Paramisuli), si Sharif ul-Hashim (o Abu Bakar), ang naging unang sultan ng Sulu.


Sa kasalukuyan, isang pista sa kaniyang ngalan ang ipinagdiriwang tuwing ikalawang linggo ng Agosto sa Jolo, kabisera ng Sulu, bilang pagkilala sa kaniyang kontribusyon sa kasaysayan ng Sulu at ng bansa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr