Ang titulong sultan ay may iba’t ibang kahulugan sa kasaysayan. Ang orihinal na kahulugan nito bilang pangngalan sa wikang Arabe ay “lakas,” “kapangyarihan,” “pamamahala,” at “diktadura.”


Ginagamit ito noon upang tumukoy sa makapangyarihang gobernador sa ilalim ng kalípa o sa ganap na kapangyarihan ng isang pinuno bagaman hindi umaangat sa pangkalahatang kapangyarihan ng kalípa.


Nakaulat na si Mahmud Ghaznawi (namuno noong 998-1030) ang unang nagkatitulong sultan. Paglaon, sultan ang naging karaniwang tawag sa mga hari ng Turkong Ottoman at mga haring Ayyubid at Mamluk sa Ehipto.


Paglaon pa, itinawag ito sa di-gaanong malakas na pinuno. Sultan ang tawag sa mga lider ngayon ng maharlikang pamilya sa Morocco, sa mga pinuno ng Oman at Brunei, at sa mga pinuno ng ilang estado sa loob ng pederasyong Malaysia.


May mga titulong sultan ang mga lider Muslim sa mga probinsiya ng Sulu, Maguindanao, at Lanao. Hangga’t maaari, sang-ayon kay Cesar Adib Majul (1973) inuugat sa angkan ng Propetang Muhammad ang pinipilìng sultan.


Alinsunod ito sa doktrinang Sunni na ang imam o pinuno sa pananampalataya ay kabilang sa pamilya ng Propeta at ginamit noong bahagi ng mga kalipikasyon ng kalípa.


Gayunman, dahil sa paghina ng institusyong kalípa at paglakas ng iba’t ibang sultanato nitong ika-12 siglo ay nagkaroon ng tunguhing ituon ang pamumuno ng kalípa sa gawaing panrelihiyon at kilalanin ang kapangyarihang militar at pampolitika ng sultan.


Hindi tahasang ipinahahayag ang ugat sa Propeta ng mga naging sultan sa Sulu, Maguindanao, at Lanao. Ngunit ipinapaloob ang ganitong adhika sa mga tarsila.


May mga sultan na nagpapatawag sa titulong gaya ng amir ul-mu’minin na reserbado lamang noon sa isang kalípa. May sultan ng Sulu na ipinabibigkas ang pangalan sa khutbah kapiling ng dasal sa Propeta at sa unang apat na kalípa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: