Ano ang tarasul?


Ang tarasul ay isang uri ng tulang pabigkas ng mga Tausug at iba pang mga Muslim. Ito ay kabilang sa tradisyon ng panulaang pabigkas ngunit may mangilan-ngilan na isinusulat din ang mga ito. Ilan sa mga paksa na tinatalakay ng mga tarasul ay ang kalikasan, pagluluto o pag-ibig ngunit isa sa pinakamahalagang paksa na tinatalakay nitó ay ang iba’t ibang aspekto ng Islam.


Ginagamit ang tarasul para sa iba’t ibang pangangailangan. Maaaring gamitin ito para sa mga kasayahan o kaya naman ay para sa pagtuturo. Binibigkas din ito sa alaala ng mga pumanaw na mahal sa buhay o iba pang mga kakilála. Kahit na marami ang maaaring paggamitan ng tarasul, ito ay higit na ginagamit sa pagtammat o pagsubok sa kakayanan ng mga kabataan sa pagbabasa ng Quran.


Isa sa halimbawa ng tarasul ay ang hadis tarasul. Ito ay inaawit sa tradisyong lugu o ang hindi pagsaliw kahit na anong klase ng tugtog. Ginagamit ito para ipakilála ang isang kabanata sa Quran at ginagawa upang anyayahan o pukawin ang atensiyon ng mga tao para gampanan ang kanilang mga panrelihiyong obligasyon.


Pamumuhay: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: