Ang khutbah o hutbah ang sermon ng Islam o talumpating panrelihiyon na karaniwang isinasagawa tuwing Biyernes sa masjid.


Nagmula ito sa gawi ng propetang si Muhammad na nagtatalumpati ng pangaral, panuto, at utos sa mga pulong sa kaniyang bahay sa Medina.


Matapos masakop ang Mecca, idineklara ni Muhammad ang sarili bilang khatib o tagabigay ng sermon sa lugar noong 630 AD. Nagsesermon din ang mga rashidun na sina Abu Bakr, Umar, Uthman and Ali at mga kalipang Ummayad tungkol sa mga isyung pampamahalaan.


Sa ilalim ng mga Abbasid, inilipat ang pagsesermon sa mga qadi o hukom. Ibinalik ng mga Abbasid ang relihiyosong aspekto ng sermon mula sa dating sekular na pangaral ng mga Umayyad.


Sa pagsisimula ng khutbah, isinasagawa ng muezzin ang adhan o panawagan para manalangin habang nanatiling nakaupo ang khatib o tagasermon.


Ibibigay naman ang iqama o ikalawang panawagan para maghanda ang mga Muslim habang bumababa ang khatib.


Mayroong dalawang bahagi ang sermon na binibigkas ng khatib. Sa sermon, kinakailangang mabigkas ang mga sumusunod: hamdala o papuri kay Allah; salawaat o imbokasyon ng kapayapaan at biyaya kay Muhammad; bahagi ng Koran; payo sa kabanalan; at dua o panalangin sa ngalan ng mga nananampalataya.


Kinakailangang nása estado ng kadalisayan ang isang khatib at alinsunod sa pananamit na Islam ang kaniyang kasuotan. Kailangan ding nása pulpito o isang mataas na lugar ang tagasermon, magbigay galang sa kongregasyon kapag kinausap sila, manatiling nakaupô hábang binibigkas ang adhan, at gawing maikli ang kaniyang sermon.


Noong Edad Medya ng Islam, ipinahahayag ang sermon sa wika na Arabeng klasiko. Dahil dito, kinailangan ng mahigpit na pagsasanay ng mga khatib. Nagbunga ang kahingiang lingguwistiko na ito ng pag-unlad ng uri ng panitikan na naglalaman ng mga sermon tulad ng mga gawa ni ibn Nubata. Lumaganap kalaunan ang pagsesermon sa kolokyal na lengguwahe na may halong ekspresyong Arabe.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: