Ang imam ang lider sa mga gawaing panrelihiyon ng mga Muslim.


Maaari rin itong gamiting titulo para sa isang kagalang-galang na iskolar na Muslim.


Pangunahing tungkulin ng isang imam ang mamuno sa mga panalangin at pagsamba. Siya ang namumuno sa araw-araw na panalangin sa loob ng masjid. Kapag Biyernes, inihahayag niya ang khutba o sermon. Kung Ramadan naman, namumuno ang imam sa mga panalangin sa gabi o taraweeh.


Gayundin, ang imam ang lider sa mga panalangin sa mga natatanging okasyong tulad ng paglilibing, panalangin sa ulan, kasal, at iba pa.


Integral na bahagi ang imam ng komunidad na Muslim. Taglay niya ang kahusayan ng kaalaman sa mga doktrina, panalangin, at gawaing Islam bilang tagasunod ng Propetang Mohammed. Siya rin ang nakauunawa at nakapagpapaliwanag ng Qur’an at ng batas panrelihiyon.


Nakaatang sa kaniyang mga balikat ang pagtuturo sa mga mamamayan ng mga halagahang Islam. Kaya ang imam ay may talino at karunungang hindi pangkaraniwan. Mala-propeta ang kaniyang pamumuhay, banal at puno ng kalinisan.


Siya ang nilalapitan upang hingan ng payo ukol sa mga usapin ng relihiyon at kabanalan. Tungkulin rin niya ang pagpapalaganap at pagpapalawak ng impuwensyang Islam sa panlipunan at pampamahalaang gawain.


Itinuturing ding lider ng komunidad maging sa mga gawain kaugnay ng pamahalaan at batas ang imam. Kalimitang mula siya sa angkan ng mga datu, na siya ring nagtataguyod ng mga pangangailangan para sa mga gawaing panrelihiyon.


Bukod dito, may mga imam ay maaaring maging bahagi ng mga hukom para sa usapin ng batas tulad ng mga Kalagan sa Mindanao. Kasama ng imam ang datu, matatanda, at maging ang kapitan ng barangay para sa pagkakasundo kapag may mga usapin ukol sa mga batas na Shari’ah at addat.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: