Francisco Dagohoy
Si Francisco Dagohoy (Fran·sís·ko Da·gó·hoy) ang bayani ng Bohol na namuno ng pag-aalsa laban sa mga Espanyol mula 1744 hanggang 1829, ang pinakamatagal na himagsik sa kasaysayan ng Pilipinas.
Isinilang si Dagohoy sa Inabangan, Bohol. Walang malinaw na ulat tungkol sa kaniyang buhay noong bata pa.
Naging cabeza de barangay siya ng kaniyang bayan paglaki. Isinilang siyang Francisco Sendrijas ngunit nakuha ang pangalang “Dagohoy” mula sa pinaikling “Dagon sa huyuhoy” sa wikang Boholano.
Ang isa sa dalawang kapatid ni Dagohoy, si Sagarino, ay naging sundalo sa hukbong Espanyol, at namatay ito sa pakikipaglaban sa mga rebeldeng ipinahuhuli ng kura ng Inabangan. Nang dalhin ni Dagohoy ang bangkay ng kapatid sa simbahan upang mabasbasan, tumanggi ang kura. Ayon daw sa batas ng simbahan, hindi binibendisyunan ang namatay sa duwelo. Dahil dito, tinalikuran niya ang simbahan at nagtatag ng kilusan laban sa mga Espanyol. Nagkuta siya sa bundok ng Inabangan.
Dahil sa nagtagumpay sa maraming pagsalakay sa kampo ng mga Espanyol ay lalong dumami ang mga mamamayang sumama sa kaniyang kilusan. Napaslang din ni Dagohoy ang kurang tumangging magbasbas sa kaniyang kapatid. Nagtayo siya ng mga pamahalaan sa mga bayang napalaya sa mga Espanyol.
Sa mga kabundukan sa labas ng bayan, nagtayo siya ng maliliit na pamayanan. Walang makatiyak kung paano at kailan siya namatay. Pero kahit wala na siyá’y nagpatuloy pa rin ang kaniyang kilusan na tumagal nang 85 taon at 20 gobernador-heneral ang nakapanungkulan. Itinatag at ipinangalan sa kaniya ang isang bayan sa Bohol noong 1956.
No Comment to " Francisco Dagohoy "