On
Ang Pag-aalsa sa Negros


Ipinagdiriwang ngayong araw, Nobyembre 5, 2021, sa dalawang lalawigan ng Negros sa Visayas ang ika-123 taong anibersaryo ng simula ng Rebolusyong Pilipino sa lalawigan ng Negros, o ang kanilang “Negros Day” o Adlaw sang Negros sa wikang Hiligaynon.


Nang nagiging mainit na ang sitwasyon ng Pilipinas sa ikalawang yugto ng rebolusyon laban sa Espanya, kumilos na rin ang mga mamamayan ng lalawigan ng Negros para lumaban at makalaya sa pananakop ng Espanya. Walang nag-aakalang pasisiklabin ito ng mga prominenteng residente ng nasabing lalawigan, sina Leandro Locsin, Melecio Severino, Aniceto Lacson at Nicolas Golez.


Nagsimula ang rebolusyon sa lalawigan ng Negros laban sa pamahalaang Espanyol sa pangunguna nina Aniceto Lacson, sa bayan ng Silay. Kumalat rin ang pag-aalsa sa San Miguel at Cadiz, at sa Silay ay isinuko nang walang laban ng mga sundalong Espanyol at mga Pilipinong Guwardiya Sibil ang munisipyo sa mga rebolusyonaryo. Doon itinaas ng mga rebolusyonaryo ang bagong istilo ng bandila ng rebolusyon, na idinisenyo at itinahi nina Olympia Severino, Perpetua Severino at Eutropia Yora.


Naging mainit ang sagupaan ng mga rebolusyonaryo at mga pwersang Espanyol sa bayan ng Bacolod, kung saan dalawang Espanyol na cazadores ang napatay, at nagkuta rin sila sa kumbento ng simbahan ng San Sebastian sa Bacolod. Hinarap nina Lacson at mga kasamahan niyang rebolusyonaryo ang nga nagkukutang Espanyol sa Bacolod sa sumunod na araw, gamit ang mga kanyong yari sa bumbong ng kawayan at mga ripleng gawa sa kahoy ng niyog.


Isang negosyanteng si Jose Ruiz de Luzurriaga ang namagitan na sa mga rebolusyonaryo at mga Espanyol para pag-usapan ang pagsuko ng mga kalaban sa mga rebolusyonaryong Negrenese. Sa huli, mapayapang sumuko kina Lacson ang mga pwersang Espanyol sa pangunguna ng Gobernador ng Bacolod na si Isidro de Castro.


Ika-17 ng Nobyembre nang sinimulan ang paglikas ng mga natitirang Espanyol sa lalawigan ng Negros, at ika-23 ng Nobyembre nang ibinalita na umalis na ang lahat ng mga Espanyol sa bayan ng Dumaguete. Bumagsak sa mga rebolusyonaryo ang Dumaguete sa sumunod na araw.


Mungkahing Basahin: