Ang salitang Indio (ín·di·yó) ang bansag ng mga administrador at kronistang Espanyol sa mga katutubong populasyon ng kanilang mga kolonya, kabilang na ang Pilipinas.


Noon diumanong dumating si Cristobal Colon o Christopher Colombus sa Amerika ay naisip niyang nakarating siya sa silangan kaya tinawag na Indio (ang mga tinatawag nating Indian ngayon) ang mga nadatnang katutubo.


Ang paggamit ng katawagang ito noong panahon ng Espanyol ay karaniwang may halong pag-alipusta sa mga katutubong Filipino. May pahiwatig ito ng pagiging isang nilalang na mababa ang katayuan sa lipunan, tamad, at mangmang.


Maging sa mga batas at mga opisyal na dokumento tulad ng cedula personal ay malinaw ang pagbubukod at paghamak sa mga Indio bilang isang lahi.


Noong 1898 lamang ginamit ng mga Espanyol ang salitang “Filipino” para ipantukoy din sa mga Indio at upang himukin silang tumulong at maging matapat sa pamahalaang Espanyol noong panahon ng himagsikan.


Bagama’t mababa ang tingin sa mga Indio, naging kapaki-pakinabang sila sa mga kolonisador. Sila ang pangunahing pinagkunan ng mga tributo at iba pang uri ng buwis; naging trabahador na nagtayo ng mga simbahan, gusali at sasakyang-pandagat at tagaputol ng troso; at nagsilbing dagdag na puwersa ng kanilang hukbong sandatahan sa panahon ng mga digmaan at ekspedisyon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: