Ang gobernadorsilyo ang katumbas ngayon ng posisyon ng alkalde ng isang bayan o lungsod.


Ito ang pinakamataas na katungkulang maaaring makamit ng isang Filipino noong panahon ng mga Espanyol. Nagmumula ang gobernadorsilyo sa uring principalia at karaniwang isa siya sa mga nakaupong cabeza de barangay ng kaniyang bayan.


Tungkulin ng gobernadorsilyo na magpatunay sa kapanganakan ng isang mamamayan, magsilbing hukom sa mga kasong sibil na hindi tataas sa P44, panatilihing maayos ang kondisyon ng bilangguan, at tiyaking sapat ang tauhan at kagamitan sa casa tribunal. Katuwang niya ang mga cabeza de barangay sa pagkolekta ng tributo at pagkuha ng mga polistang magtatrabaho sa proyekto ng pamahalaan at cura parroco.


Bagama’t mababa ang kaniyang suweldo, hindi naman kailangang magbayad ng tributo ang kaniyang pamilya o manilbihan ang mga ito bilang polista.


Higit pa dito, ang kaniyang posisyon ay nagbibigay sa kaniya ng pagkakataong magpayaman. Dahil dito, inaasahan din siyang magsumite ng ulat ng kaniyang mga gawain sa panahon ng kaniyang panunungkulan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: