Kasama


Ang kasama ay tagapagsaka ng lupa o magsasaka ng bukid na pag-aari ng iba.


Tinatawag din itong ingkilíno (inquilino), na magpapahiwatig sa pinagmula nitong relasyon sa sakahan noong panahon ng Espanyol.


Noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol, ipinatupad ang sistemang encomienda na nagbibigay ng malawak na lupain sa Filipinas sa mga conquistador, fraile, at makapangyarihang katutubo kapalit ng kanilang serbisyo sa Monarka ng Espanya.


Gayundin, mayroong kapangyarihan ang encomendero na kolektahin ang mga buwis at ani ng mga nasasakupan niya bilang kabayaran ng kaniyang pagbibigay ng proteksiyon sa kanila laban sa mga mananakop, tulisan, at iba pa.


Ang tawag na “kasama” sa tagapagsaka ng bukid ay nagpapahiwatig ng isang magandang layunin. Itinuturing ang tagapagsaka na kalahok o kasapi sa isang gawain.


Sa orihinal na kahulugan, singkahulugan nito ang kasosyo sa isang negosyo. Gayunman, inabuso ang ugnayan sa engkomyenda ng mga panginoong-maylupa at nagwakas sa lubhang paghihirap ng mga tagapagsaka. Sa gayon, ang kasama ay malimit na dukha at mangmang, nakabaon sa utang, at ipinamamana ang gayong kahirapan sa kaniyang anak.


Ang pagpapalaya sa mga magsasakang kasama mula sa kahirapan ang isang mabigat na suliranin ng pamahalaan nitong ika-20 siglo.


Unang naipatupad ang Act No. 4054 sa ilalim ni Manuel Quezon na ginawang legal ang 50-50 hatian sa ani ng may-lupa at ng kasama.


Sa administrasyon ni Manuel Roxas, ginawa naman itong 30-70 pabor sa mga kasama.


Ipinatupad naman ng pamahalaan sa ilalim ni Ramon Magsaysay ang Republic Act No 1160 upang mas mapabilis ang paggagawad ng mga lupain sa mga kasama at nais tugunan partikular ang mga kilusang Hukbalahap; ang Republic Act No 1199 na lumikha ng Court of Agrarian Relations na siyang nangangasiwa ng relasyon ng may-lupa at kasamá; ang Republic Act No. 1400 na naglalayong mapainam pa ang distribusyon ng lupain.


Nabuo naman sa administrasyon ni Diosdado Macapagal ang Agricultural Land Reform Code sa bisa ng Republic Act No. 3844 na naglalayong ibigay sa kasama ang titulo ng lupang kaniyang sinasaka, itinatag ang isang sistema ng paglilitis para sa mga kasong agrariyo, itinatag ang Land Authority, at iba pa.


Sa pamamagitan ng Republic Act No 6389 na ipinatupad ni Ferdinand Marcos, napalitan ang dating Land Authority ng Department of Agrarian Reform na may kapangyarihang mangasiwa at magpatupad ng mga repormang agrariyo.


Naging pangunahing programa naman ng administrasyon ni Corazon Aquino ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP na isang malawakang reporma sa lupa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: