Ang orihinal na baybay ng kasike ay cacique, isang salita mulang Haiti at nangangahulugang “pinuno.”


Dinala dito ng mga Espanyol ang salita ngunit ginamit upang tukuyin ang isang mayaman at makapangyarihang lalaki sa isang bayan. Tinatawag din ngayong “pamilyang kasike” ang pamilya ng isang makapangyarihang lalaki sa isang bayan.


Sa panahon ng Espanyol, karaniwang tinatawag na kasike ang asendero (haciendero) na humahawak ng malawak na bukirin, nangangasiwa sa maraming pamilyang magsasaka sa loob ng kaniyang lupain, at may malaking impluwensiya sa takbo ng politika sa bayan.


Siya ang takbuhan ng nangangailangan, nag-aabuloy sa mga pista at misa, at mistulang hari na nakapagdidikta sa kapalaran ng lahat ng nasasakupan. Higit pa siyang malakas kaysa mga halal o hinirang na pinuno ng gobyerno sa barangay at munisipyo.


Gayunman, dahil sa abuso sa paggamit ng yaman at kapangyarihan ay naging masama ang kahulugan ng taguring kasike.


Sa makabagong panahon, naging larawan ito ng pagsasamantala sa maliit na magbubukid at ganap na pagkontrol sa politika’t negosyo ng kaniyang bayan.


Isang pag-aaral ng lipunang Filipino ang nagsasabing umiiral ang “kasikismo” hanggang kasalukuyan at katunayan nito ang pangyayari na dominado ng iilang mariwasang pamilya ang pamahalaang pambayan at panlalawigan.


Ang totoo, sinasabi ring ang politikang pambansa ay pinaglalabanan lamang ng ilang pamilyang kasike o ng mga hinirang na kinatawan at alagad ng mga ito.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: