Karosa
Ginagayakan ng makukulay na dekorasyon, inaadornuhan ng mga sariwang bulaklak, at pinagliliwanag ng malamlam na kulay dilaw o puting ilaw ang karosa.
Ang sakay na santo ay binibihisan ng mariringal na damit at pinuputungan ng magagandang korona na kung minsan ay may kahalong ginto.
Sa mahahalagang pagdiriwang gaya ng pista at Mahal na Araw karaniwang nakikita ang karosa sa Pilipinas.
Sa tuwing kapistahan ng isang bayan, sa karosa inilalagay ang patron ng bayan upang ilibot sa buong komunidad.
Samantala, Miyerkoles Santo, Biyernes Santo, at Linggo ng Pagkabuhay ang mga araw sa panahon ng Semana Santa ang itinakda ng mga Katoliko sa pagpuprusisyon ng mga santo na nakasakay sa karosa.
Ang bilang ng mga karosang ipinuprusisyon sa mga panahong iyon ay nag-iiba-iba. Madalas na mas marami ang mga karosa tuwing Biyernes Santo. Kinagawian na sa pakikilahok sa prusisyon, ang mga tao ay pumipili ng santong sakay ng karosa na kanilang sasamahan. Marami rin ang mga táong nag-aabang sa daraanang kalye upang makita ang mga karosa.
Impluwensiya ng mga Espanyol ang karosa.
Dahil sa magarbong gayak ng mga karosa, sa pag-aari o pag-iingat ng sinlaki ng tao na santo, at sa mga taong abalang binabayaran sa paggagayak sa karosa, karamihan sa may-ari nito ay mayaman.
Sa ilang bayan sa Pilipinas tulad ng Marikina, ipinamamana ng mga may-ari sa kanilang mga anak ang mga karosa (at santo) upang magpatuloy ang tradisyon ng prusisyon lalo na sa panahon ng Mahal na Araw.
Masugid na tagatangkilik din ng simbahan at ng mga ritwal nito ang pamilyang nagmamay-ari ng karosa. Itinuturing na karangalan ang pagmamay-ari ng santo at karosa.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Karosa "