Sino si Pedro Calungsod?


Si Pedro Calungsod ang ikalawang santong Filipino sa Simbahang Katolika at opisyal na naging kanonisado nitóng 21 Oktubre 2012. Walang tiyak na ulat sa petsa at pook ng kaniyang kapanganakan, bagaman higit na malakas ang pag-ankin sa kaniya ng Ginatilan, Cebu.


Wala ring alaala hinggil sa kaniyang anyo, ngunit inilalarawan siyáng nakasuot ng kamisa tsino, may hawak na palaspas ng martir o isang krusipiho, aklat ng katekismo o rosaryo upang katawanin ang kaniyang gawaing misyonero.


Edad 14 taón si Pedro nang mahirang kasáma ng ibang kabataan na akompanyahan ang mga Heswita sa pamumunò ni Fray Diego Luis de San Vitores sa misyon sa Islas Ladrones (naging Marianas, sa karangalan ni Reyna Maria Ana ng Austria na nagtaguyod sa misyon).


Mahirap ang búhay sa Ladrones bukod sa malimit dumaan ang bagyo. Dumating sa Guam, ang pinakamalaking isla, sina San Vitores noong 15 Hunyo 1668 kasáma ng 30 sundalo. Mapayapa naman ang panimulang pakikipagugnayan nilá sa mga katutubong Chamorro. Ngunit nagbago ito dahil sa panunulsol ng isang arbularyong Tsino at ginulo ng mga bumaligtad ng pananampalataya ang mga misyonero.


Isa sa mga bumaligtad si Matapang na nagsiklab dahil bininyagan ni Fray Diego ang kaniyang anak. Sinugod ni Matapang at isang katulong ang magkasámang sina Pedro at Fray Diego at hinagisan ng mga sibat. Maliksi namang nailagan ni Pedro ang mga unang sibat. Sinasabing maaari sanang tumakas si Pedro ngunit hindi nitó iniwan si Fray Diego hanggang tamaan ng isang sibat sa dibdib.


Sinalakay siyá ng kasabwat ni Matapang at tinaga. Walang nagawa si Fray Diego kundi bigyan ng huling sakramento si Pedro bago siyá pinaslang nina Matapang. Hinubdan ang mga biktima, kinaladkad sa dalampasigan, tinalian ng pabigat na bato ang mga paa, at inihagis sa dagat.


Isang taón makaraan, nagsimula ang proseso ng beatipikasyon nina Fray Diego at Pedro. Natigil ito dahil sa sari-saring sanhi. Noong 1981, nahalungkat ang mga dokumento ng kanilang martiryo.


Naganap ang beatipikasyon ni San Vitores noong 1985 at dahil dito’y nagbalik sa alaala ng lahat si Pedro. Inumpisahan noong 1994 ang kampanya para sa beatipikasyon at kanonisasyon ni Pedro Calungsod.


Naging beatipikado si Pedro noong 2000. Noong Pebrero 2012, pormal na ipinahayag ni Papa Benedict XVI ang kanonisasyon ni Pedro na ginanap noong 21 Oktubre 2012 sa Roma.


Ang pista ni San Pedro Calungsod kasabay ni San Diego Luis de San Vitores ay itinakda tuwing Abril 2.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: