Misyonero
Malaki ang ginampanang tungkulin ng mga ito sa pagpapalaganap ng pananampalatayang Kristiyano at pagtatatag at pangangasiwa ng kolonyang Espanyol sa Filipinas.
Si Fray Andres de Urdaneta ang nakatuklas ng rutang pabalik mulang Cebu patungong Mexico noong Hunyo-Oktubre 1565. Ito ang sinundan pagkatapos ng mga barko’t galeon na na naghatid ng mga tao, sundalo, at materyales para sa pagsakop ng Filipinas.
Anim na Agustino (ordeng ipinangalan kay San Agustin) ang unang kasáma sa ekspedisyon ni Miguel Lopez de Legazpi noong 1565 at nagpalaganap sa Cebu, Panay, at sa hilaga ng Maynila hanggang Ilocos.
Sumunod ang mga Pransiskano (ordeng itinatag ni San Francisco ng Assissi) noong 1577 at nagpalaganap sa mga pook timog ng Maynila hanggang Bicol.
Dumating ang mga Heswita (Compañia de Jesus o ordeng itinatag ni San Ignacio de Loyola) noong 1581 at nagpalaganap sa Samar-Leyte, Cebu, Bohol hanggang Mindanao.
Dumating ang mga Dominiko (ordeng ipinangalan kay Santo Domingo de Guzman) noong 1587 at ang mga Rekoleto noong 1606.
Ang mga unang misyonero ang unang sumulat ng bokabularyo, gramatika, at mga saliksik pangkultura sa kanilang destinong lalawigan o rehiyon. Silá ang nagtayô ng mga unang pamayanang kolonyal at ng mga unang simbahan at mga paaralan. Sila din ang nagpasok ng mga kaalamang pang-agham at pang-inhenyeriya mulang Europa.
Gayunman, naging kapuna-puna ang lubhang pakikialam ng mga naging kura paroko sa politika at ang hindi pagbibigay ng pantay na karapatan sa mga paring Filipino o paring sekular nitóng ika-19 siglo. Nauwi ito sa kilusan para sa sekularisasyon, at isa sa malaking usaping tinuligsa ng mga Propagandista sa pangunguna nina Rizal at Plaridel.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
No Comment to " Misyonero "