Tinatawag ding San Laurentius Ruiz de Manila o San Lorenzo Ruiz de Manila, siya (San Loreno Ruiz) ang unang Filipino na martir at sinasambang santo sa Simbahang Katoliko Romano.


Ang simbahan sa Binondo ang kaniyang pangunahing dambana. Nagkaroon siya ng beatipikasyon sa Maynila noong 18 Pebrero 1981 at ng kanonisasyon sa Roma noong 18 Oktubre 1987, kapuwa sa pangunguna ng Papa John Paul II. Siya ang kauna-unahang beatiko sa labas ng Roma, dahil isinagawa ito ng Papa John Paul II nang dumalaw sa Filipinas.


Ipinanganak si Lorenzo Ruiz (Lo·rén·zo Ru·wíz) sa Binondo, Maynila at anak ng isang mag-asawang Tsino at Tagala.


Naglingkod siyang sakristan sa kumbento, tinuruan ng mga Dominiko, at naging miyembro ng Cofradia del Santisisimo Rosario. Ikinasal siya kay Rosario, isang Tagala, at nagkaroon ng tatlong anak.


Noong 1636, napagbintangan siyang pumatay sa isang Espanyol at napilitang tumakas sakay ng isang barko, kasama ang tatlong paring Dominiko, sina San Antonio Gonzalez, San Guillermo Courtet, at San Miguel de Aozaraza, isang paring Hapones na si San Vicente Shiwozuka de la Cruz, at isang Hapones na si San Lazaro ng Kyoto.


Panahon iyon ng pag-usig ng pamahalaang Tokugawa sa mga Kristiyano. Dinakip sina Ruiz, ibinilanggo sa Nagazaki, at noong 27 Setyembre 1637 ay pinarusahan. Ang parusa ay tinatawag na horca y hoya sa Espanyol. Ibinibitin nang patuwad sa ibabaw ng isang balon ang pinarurusahan, ngunit nakawawala ang isang kamay upang makasenyas siya kung nais magbago ng pananampalataya.


Wika diumano ni Ruiz, “Isa akong Katoliko at buong pusong tinatanggap ang kamatayan para sa Panginoon. Kung ako man ay may sanlibong buhay, lahat ng iyon ay iaalay ko sa Kaniya.” Tiniis niya ang parusa hanggang mamatay sa pagkaubos ng dugo at pagkainis noong 29 Setyembre 1637.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: