Sino si Madre Ignacia del Espiritu Santo?


Si Madre Ignacia del Espiritu Santo (Ig·nás·ya del Es·pi·rí·tu Sán·to) ay isang kagalang-galang at banal na Filipino ng Simbahang Katoliko.


Nagsimula ang kaniyang buhay pananampalataya noong 1684. Siya ang tagapagtatag ng Beaterio de la Compañia de Jesus na mas kilala ngayon bilang Congregation of the Sisters of the Religious of the Virgin Mary (RVM), ang kauna-unahang kongregasyon ng mga relihiyosa sa Filipinas.


Ipinanganak siya noong 1 Pebrero 1663 at bininyagan noong 4 Marso 1663. Si Madre Ignacia ang pinakamatandang anak nina Jusepe Incua at Maria Jeronima. Si Incua ay isang Tsino mula sa Amoy, Tsina na naging Katoliko noong 1652 at nanirahan sa Binondo, Maynila.


Noong dalawampu’t isang taon na si Madre Ignacia, nais ng kaniyang mga magulang na ipakasal siya kay Kapitan Ricardo de Lodero y Salvacion. Ngunit tinatawag na siya ng buhay sa pananampalataya. Humingi siya ng payo mula kay Fray Paul Klein, isang Heswita mula sa Bohemia, na nagbigay sa kaniya ng gawaing espiritwal batay kay San Ignacio.


Pagkatapos ng kaniyang pagdarasal at pag-iisa, nagpasiya siyang ipagpatuloy ang buhay sa pananampalataya. Umalis siya sa kanilang bahay dala lámang ang isang karayom at gunting at nanirahang mag-isa sa isang bahay sa likod ng kolehiyong Heswita sa Maynila.


Nahikayat ng kaniyang halimbawa ang ibang babae ngunit bawal pa noong magtayo ng kongregasyon. Tinatawag noong beata ang mga babaeng inilaan ang buhay sa pagdarasal at paglilingkod sa simbahan at beateryo naman ang kanilang tahanan. Sa hulíng araw ni Madre Ignacia, ipinasiya niyang mamuhay bilang isang ordinaryong kasapi ng beateryo hanggang mamatay noong 10 Setyembre 1748.


Ngunit kinikilala na noon ang kaniyang halimbawa. Bago siya namatay, noong 19 Hulyo 1748 ay inirekomenda ng arsobispo ng Maynila kay Haring Fernando na bigyan ng patronato real at proteksiyon ang kaniyang beateryo.


Noong 12 Enero 1948 kinilala ng Papa ang kongregasyon ng Religious of the Virgin Mary (RVM), ang una at tanging samahang Filipino ng mga relihiyosa. Tinatayang umaabot sa 1,000 ang RVM sister at nangangasiwa sa 11 kolehiyo, at sa 63 sekundarya at 30 elementaryang paaralan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: