Isang uri ng masayang prusisyon ang santakrusan at ginaganap sa buwan ng Mayo.


Nasa kasaysayan ng pinagmulan nito ang paliwanag kung bakit ito masayang prusisyon at kung bakit ginaganap lamang ito tuwing Mayo.


Nakaugat ito sa konsepto ng Santa Cruz o Banal na Krus sa pananagisag na Kristiyano. Ito ang kahoy na pinagpakuan kay Hesus at pinakatampok na sagisag ng Kristiyanismo.


Wika nga sa kauna-unahang dalit na inilathala ni Fray Francisco de San Jose (1605):


O Diablong manunuboc
ang dilang aral mo,y, buctot,
houag cang sumumoc sumoc,
cami’y’ hindi natatacot,
At ang aming tinotongcod
ang sandatang Santa Cruz
pinapacoan cay Jesus,
(na sa tauo, ay tumubos.)


Ang karaniwang prusisyon para sa Banal na Krus ay dapat na kasintaimtim ng ibang prusisyong Katoliko. Ngunit hindi gayon ang santakrusan dahil sa istoryang nakaugnay dito.


Sinasabing ipinahanap ni Emperatris Elena, ina ni Emperador Constantino, ang Banal na Krus at nagkaroon ng malaking pagdiriwang nang makita ito.


Sa tradisyonal na dulang panrelihiyon, ito ang paksa ng komedyang tibag na itinatanghal kung Mayo. Dumanas ng hirap at mga digma ang hukbo ni Elena sa paghahanap sa krus. Sa dulo’t matagpuan ang krus, pumapasok ang nagtatanghal at manonood sa simbahan upang idaos ang misa. Pagkatapos ng misa, sumusunod ang prusisyong santakrúsan na isang pagbubunyi sa Banal na Krus.


Sa santakrusan ngayon, may mga tinatawag na sagala (mula sa Espanyol na zagala) o mga dalaga na binihisang tila mga reyna, bagaman pinakatampok ang Reyna Elena na karaniwang may damit na putî, may korona, may hawak na munting krus, at may konsorteng Constantino.


Ang mga sagala ay maaaring kumatawan sa mga birtud na Kristiyano o sa mga babaeng tauhan sa Bibliya. May mga sagala ngayong sagisag ng mithiing Filipino. May umiilaw na mga tagahanga’t kamag-anak sa bawat sagala (at paramihan ito ng umiilaw), may nagrorosaryo, ngunit kung magarbo ang prusisyon ay may bánda ng musiko at sagana sa mga kuwitis at paputok.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: