Paputok
Bahagi ng mga pista’t pagdiriwang, lalo na ng Bágong Taón, ang maingay na paputok. Isang tradisyon itong dalá ng mga Tsino, bagaman ang paglikha ng ingay sa pamamagitan ng tambol, pakakak o torotot, at pagkalampag ng kasangkapan ay isang katutubong gawain noon kapag may eklipse. May paniwala ang mga ninunong Filipino na kinakain ang buwan o araw ng isang dambuhala at nagsasagawa silá ng ingay upang matákot ang dambuhala at mailuwa ang kinain.
Ang paputók ay hindi laging kauri ng sumasabog na rebentadór. Maaari itong isang pailaw na tingting ng lúsis o isang pinalilipad na kuwítis. Kilala ang bayan ng Bocaue, Bulacan bilang sentro ng bilihan ng paputók. Dito matatagpuan ang iba’t ibang klase ng paputok mula sa pinakamaliit, pinakamalaki, pinakamaingay, pinakamahabà, at pinakamarami ang pailaw; mula sa tumitilamsik na “watusi” hanggang sa malakas na “bawang” at sa nakabibinging “sinturon ni hudas,” “superlolo,” at “sawá.” Dahil sa maraming pinsala, bawal ang malalakas na paputók sa Bágong Taón ngunit hindi mapigil ang industriya sa Bocaue at kahit ang pagpapaputok ng baril bunga ng pagyayabang at paglalasing.
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Paputok "