Ang Grand Marian Procession ay idinadaos sa Intramuros, Maynila, tuwing araw ng Linggo bago ang Pista ng Inmaculada Concepcion (Disyembre 8).


Ito ang pinakamalaking prusisyon ng mga imahen ni Birheng Maria sa Filipinas. Itinatampok nito ang natatanging debosyon ng mga Filipino sa ina ni Hesukristo, at maituturing na mainam na palatandaan sa pananampalataya at kulturang Pinoy.


Nitong mga huling taon, mahigit-kumulang 80 imahen at estatwa ni Birheng Maria ang lumalahok sa prusisyon. Mula ang mga ito sa iba’t ibang dako ng bansa, kabilang ang Bataan, Bulacan, Cagayan, Cavite, Laguna, La Union, Nueva Ecija, at Pampanga.


Ilan sa mga isinasamang historikal na imahen ay ang Virgen Milagrosa del Santissimo Rosario ng Orani, Bataan; Nuestra Señora de Visitacion ng Piat, Cagayan; Nuestra Señora de los Dolores de Turumba ng Pakil, Laguna; La Naval de Manila ng Simbahang Santo Domingo sa Lungsod Quezon; at Nuestra Señora de la Consolacio y Correa ng Simbahang San Agustin sa Intramuros.


Isinasakay ang mga imahen sa kani-kanilang pinahiyasang karosa na nakatipon sa tapat ng Katedral ng Maynila. Bago sumapit ang takipsilim, lilibutin ng mga ito ang mga antigong lansangan ng Intramuros kasama ang mga debotong nakasuot ng Filipiniana at mga banda ng tambol at lira. Babalik at magtatapos ang prusisyon sa katedral.


Unang idinaos ang modernong bersiyon ng prusisyon noong dekada otsenta. Maihahambing ang pista sa La Naval de Manila, isa ring engrandeng prusisyon ng mga imahen at estatwa ng Birheng Maria sa Lungsod Quezon, sa paligid ng Simbahan ng Santo Domingo.


Pinagmulan: NCCA Offical | Flickr


Mungkahing Basahin: