Ang Birhen ng Manaoag (Bír∙hen ng Ma∙ná∙wag) o Nuestra Señora del Santisimo Rosario de Manaoag ay isang ika-17 siglong imahen ng Birheng Maria na nása altar ng Simbahang Manaoag sa Pangasinan.


Itinuturing itong patrona ng naturang bayan at tinatawag din sa wikang Pangasinense at Ilokano bilang “Apo Baket.” Pinaniniwalaang mayroon itong kapangyarihang magpagaling bilang patrona ng may sakit at nangangailangan.


Noong simula ng siglo 17, ang imaheng yari sa garing ay dinalá sa Filipinas ni Padre Juan de San Jacinto mula sa Espanya. Dinalá ng mga Agustino ang orihinal na imahen ng Birhen sa Manaoag nang madestino silá sa Manaoag noong 1590-1613.


Sinasabing noong 1610, isang katutubong lalaki ang naglalakad pauwi nang makarinig siyá ng isang misteryosong boses ng babae. Sinuri niya ang paligid at nakita sa itaas ng punongkahoy ang aparisyon ng Birheng Maria na may hawak na rosaryo sa kaniyang kanang kamay at ang batàng Hesus sa kaliwa.


Napaluhod ang lalaki at pagkatapos ay ibinalita ang himala sa iba. Ang lugar kung saan nagpakita ang Birhen ay pinatayuan ng kapilya at mabilis na lumago ang bayang nakapaligid dito.


Nakoronahan ng papal nuncio na kinatawan ni Pope Pius XI ang imahen noong 21 Abril 1926. Noong 21 Hunyo 2011, sa bisà ng kapangyarihan ng Papal Basilica of Saint Mary Major ng Roma at ng Papa, mabibigyan ng indulhensiya plenarya ang mga bumibisita sa Simbahang Manaoag tulad ng natatanggap na indulhensiya sa pagbisita ng mga basilika sa Roma.


Tanging ang Manaoag lámang ang nagawaran ng ganito sa buong Filipinas.


Maraming himala ang nagawa ng Birhen ng Manaoag at matatagpuan ito sa miyural ng simbahan nitó. Ilan dito ang pagliligtas ng bayan sa súnog at ang pagkakaligtas nitó sa gitna ng mga pambobomba noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.


Sinasabing noong nagsisimula pa lamang ang kolonyalisasyong Espanyol, sinunog ng ilang katutubo ang mga baryo ng mga naging Kristiyano. Ang Simbahang Manaoag ang naging huling taguan ng mga residente.


Tinangkang sunugin ang simbahan ngunit hindi ito nagningas. Noon ding Ikalawang Digmaang Pandaigdig, nang bombahin ng mga Hapones ang naturang lugar, hindi sumabog ang nahulog na bomba sa santuwaryo.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: