On
Ang Himala ay isang pelikula noong 1982 sa direksiyon ng Pambansang Alagad ng Sining Ismael Bernal at batay sa istorya’t iskrip ni Ricardo Lee.


Bukod sa isa itong box-office hit ay itinanghal itong pangunahing pelikula ng panahong iyon. Gumanap sa pangunahing papel ng dalagang pinaghimalaan at naging manggagamot si Nora Aunor at nagbigay sa aktres ng maraming parangal.


Sa istorya, ginampanan ni Nora Aunor ang papel na Elsa, isang sumikat na manggagamot ngunit pagkaraan ay isinumpa ng bayan niyang Cupang. Dahil sa kanyang pagpapagaling ng mga may karamdaman ay naging balita siya na pinaghimalaan. Dinumog ng mga may karamdaman at turista mulang iba-ibang lugar ang kaniyang bahay. Halos sambahin siya ng lahat.


Nakinabang naman ang Cupang dahil kinalakal ang himala ni Elsa. Ito rin ang dahilan kaya naisipan ni Orly na gumawa ng pelikula ukol sa buhay ni Elsa at siya ring nag-udyok sa kaniya na kunan pati ang ginawang panggagahasa sa Maynila kay Elsa at sa kaibigan nitong si Chayong ng dalawang binatang naimpluwensiyahan ng droga.


Nagkaroon ng epidemya sa Cupang at marami ang namatay. Isinisi ni Elsa sa sarili ang mga naganap at ipinasara ang kanyang pagamutan. Nang siya ay magdalang-tao dahil sa panggagahasa, inisip ng kaniyang mga tagasuporta na ito ay himala galing sa Maykapal at tulad siya ni Birheng Maria.


Pinulong ni Elsa ang mga ito at saka inihayag sa kanila ang tanyag na linya: “Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao, nasa puso nating lahat! Tayo ang gumagawa ng mga himala! Tayo ang gumagawa ng mga sumpa at ng mga diyos…” Si Elsa ay binaril sa dibdib na kaniyang ikinamatay.


Ang Himala ay nagkaroon ng restorasyong high definition nitong 2012. Ang naturang kopya ay nagkaroon ng primyer sa ika-69 Venice International Film Festival at itinanghal na isa sa mga dakilang pelikula ng mundo.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr