birheng peñafrancia

Ang Birheng Peñafrancia (Pe·nya·frán·sia) o Nuestra Señora de Peñafrancia ay isang mapaghimalang imahen na inukit sa kahoy ng Mahal na Birhen na kilik ang Santo Niño at kinopya sa gayong imahen ng Mahal na Birhen sa dambana ng Peña de Francia, Salamanca, Espanya. Tinatawag din itong ”Ina” ng mga deboto at nakadambana sa Basilica Minore ng Lungsod Naga. Ang paglikha sa imahen ay bunga diumano ng isang himala. Naganap ito noong 1712 at malubhang magkasakit ang seminaristang si Miguel Robles de Covarrubias. Hawak niya noon sa higaan ang larawan ng imahen ng Mahal na Birhen sa Peña de Francia at sumumpa siyáng magpapagawa ng isang kapilya para sa birhen sa tabi ng Ilog Pasig kapag gumaling siyá. Gumaling si Miguel at naordenahang pari sa Nueva Caceres (Lungsod Naga ngayon). Isa sa unang misyon ni Miguel ay magpatayô ng isang kapilyang kawayan sa tabi ng ilog sa Naga at magpalilok ng imahen ng Nuestra Señora de Peñafrancia. Maraming naganap na milagro mula noon, sinasabing dulot ng Mahal na Birhen, at ng deboto nito.


Ang opisyal na kanonisasyon ng Nuestra Señora de Peñafrancia bilang patrona ng Kabikulan ay ginanap noong 20 Setyembre 1924. Ang imaheng nakadambana sa Kalye Balatas ay antigong kahoy na ipinagawa noong 1712. Ninakaw ang birhen noong 1981 ngunit himalang isinauli pagkatapos ng isang taón sa Maynila. Noong 8 Setyembre 1982, isang motorcade ng mga deboto ang nagsauli sa birhen mulang Maynila patungong Naga sa gitna ng bagyong Ruping.


Ang Pistang Peñafrancia para sa Nuestra Señora de Peñafrancia ay isang pagdiriwang na ginaganap sa Lungsod Naga, Camarines Sur, tuwing ikatlong linggo ng Setyembre. Isa ito sa mga pinakapopular na okasyong panrelihiyon sa Pilipinas, at libo-libo ang dumadagsang deboto at turista mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Ito rin ang pinakamalaking pagdiriwang para kay Birheng Maria sa buong Asia. Sinisimulan ang sampung araw na pista ng prusisyon na kung tawagin ay Traslacion. Binubuhat at sinasamahan ng mga voyadores, mga lalaking nakayapak, ang antigong imahen ng Mahal Nating Ina ng Peñafrancia mula sa dambana nitó sa Peñafrancia Basilica Minore patungo sa apat-na-daang-taóng Naga Metropolitan Cathedral hábang sumisigaw ng “Viva la Virgen!” Libo-libong katao ang sumasabay sa prusisyong ito. Hábang idinadaos ang siyam na araw ng pagdarasal (nobena) sa katedral, nagdiriwang ang lungsod sa pamamagitan ng mga parada, konsiyerto, pagtatanghal pangkultura, timpalak pangkagandahan, tagisang pampalakasan, at pistang pangkalakal. Nagwawakas ang pista sa ikatlong araw ng Linggo ng Setyembre sa isang masayáng prusisyong pantubig. Isinasakay ang imahen ng Madonna sa isang makulay na pagoda upang ibalik ito sa pamamagitan ng Ilog Naga (Ilog Bikol) sa simbahan ng Peñafrancia Basilica Minore. Sinasabayan ang pagodang ito ng mga debotong nakasakay sa mga bangka at iba pang pagoda.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin: