traslacion

Traslacion | @nccaofficial


Viva Señor Jesús Nazareno!


Ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining ay nakikiisa sa mataimtim na pag-alala at debosyon sa Poong Nazareno.


Bagaman hindi pa muling idaraos ang Traslacion ngayong taon dahil sa banta ng COVID-19, ating inalala ang nagpapatuloy na tradisyon at panata sa imahen ng Poon.


Ang kapistahan ng Poong Nazareno sa Quiapo, Maynila tuwing Enero ay isang matingkad na halimbawa ng pamamanata. Libo-libong mamamayan ang nakayapak na nagtutungo sa Simbahan ng Quiapo upang lumahok sa prusisyon para lamang masilayan ang Mahal na Poon. Nakikipagsiksikan sila, kung minsa’y nakahandang masaktan, mahawakan, o makalapit sa imahen ng Nazareno.


Ang imahen ay mula pa sa Mexico. Dinala ito ng mga pari ng Ordeng Recoletos sa simbahan sa Bagumbayan at inilipat sa Intramuros. Noong 1787, ipinag-utos ni Basilio Sanco Junta y Rufina, Arsobispo ng Maynila, ang paglilipat ng imahen mula Intramuros patungo sa simbahan sa Quiapo. Ang paglilipat na ito ng imahen ang siyang pinagmulan ng debosyon ng Traslacion


Ilang kalamidad na rin ang nalagpasan ng imahen ng Itim na Nazareno. Naisalba ito nang masúnog ang simbahan ng Quiapo noong 1791 at 1929; nakaligtas ito nang bombahin ang Maynila noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dahil sa pinsalang dulot ng mga kalamidad sa imahen, isang replika ang ginagamit sa mga prusisyon.


(Source: Sagisag Kultura 2015)


Mungkahing Basahin: