Ang Simbahang Miag-ao (miyág-aw) ay isa sa apat na simbahang Baroque ng Pilipinas na naitala sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993.


Ang simbahan ay matatagpuan sa bayan ng Miag-ao, sa Iloilo. Kinilala ang simbahan dahil sa “pambihirang estilong arkitektural nito na pag-aangkop ng Baroque Europeo sa Filipinas ng mga artesanong Tsino at Filipino”.


Itinayo noong 1787 ni Fray Francisco Maximo Gonzales, isang misyonerong Agustino, ang simbahan ay simbolo ng daan taong kultura at pamumuhay ng mga nanirahan sa Miag-ao. Sinasabing may dalawang maaaring pinagmulan ang tawag na Miag-ao, sa miagos (mi·yá·gos), isang ilahas na halamang noo’y mayabong na tumutubo sa lugar, at sa miyagaw (mi·yá·gaw).


Ayon sa kuwento, tinanong ng mga Espanyol ang pangalan ng lugar ngunit inakala ng Negrito na ngalan niya ang tinatanong at sinabing Miyagaw.


Ang pagsasakatutubo ng disenyong Baroque ay mababanaag sa pinakaharap ng simbahan na pinalamutian ng pintura ng mga puno ng niyog, bayabas, at papaya. Yari ito sa tabriya, isang uri ng batong-mina mula sa Bundok Igrabas, ilang kilometro mula sa kabayanan.


Makikita rin dito ang napapagitnaang rebulto ni Sto. Tomas ng Villalon, ang santong patron ng simbahan, ng mga rebulto ni St. Henry at ng Santo Papa at kani-kaniyang sagisag sa kanilang ulunang bahagi.


Ang tinubog sa gintong retablo ang nagbigay naman ng dagdag na kinang sa payak na interyor nito. Hindi nakapagtatakang nakapanatili ang Simbahang Miag-ao sa loob ng ilang dantaon dahil sa pagkakayari nitong parang kuta.


Nakabaon ng anim na metrong lalim, ang mga pader ay isa’t kalahating metro ang kapal at triple naman nito ang pagkakayari sa mga haligi na sumusuporta sa buong estruktura. Ang simbahan ay nagsilbi ring tanggulan noong panahon ng digmaan.


Sa bisa ng Presidential Decree No. 260 noong 1 Agosto 1973, ginawaran ng makasaysayang pananda ang Simbahang Miag-ao.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: