Simbahang Paoay
Isa ito sa apat na simbahang baroque ng Filipinas na napabilang sa talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993 dahil sa “pambihirang estilong pang-arkitektura na halimbawa ng pag-aangkop ng Europeong Baroque sa Filipinas ng mga artesanong Intsik at Filipino.”
Itinayo ang panulukang-bato ng simbahan noong 1704 at ang pundasyon ng kampanaryo nito, noong 1793. Nabuo ang simbahan noong 1894 sa pamumuno ni Padre Antonio Estavillo at pormal na pinasinayaan noong Pebrero 1896.
Yari ito sa batong koral, ladrilyo, kahoy, at mga dagta ng puno. Ang estilong baroque ay nilangkapan din ng impluwensiyang Gotiko at oryental gaya ng makikita sa patsada, gablete, at mga ukit sa pader nito.
Ang simbahang ito ay may 24 na kontrapuwerteng nagsisilbi ring pananggalang sa lindol. Kaya naman kinikilala rin ang Simbahang Paoay Earthquake Baroque Church ng Filipinas. Ilang beses nang bahagyang nawasak ng lindol ang simbahan, noong 1706, 1827, 1865 at 1885, ngunit nananatili itong nakatayo hanggang sa kasalukuyan.
Ang tatlong palapag na kampanaryo ng Simbahan ng Paoay ay sadyang inihiwalay sa estruktura ng simbahan upang hindi ito makapinsala sakaling bumagsak ito. Bukod sa gamit ng kampanaryo sa mga layuning pansimbahan, mahalaga rin ang naging papel nito sa kasaysayan. Ginamit ito ng mga Katipunero noong panahon ng Rebolusyong 1896 at ng mga gerilya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig para magbabala sa pagdating ng mga kaaway, sa pamamagitan ng pagpapatunog ng kampana.
Ayon sa kasaysayan, dating Bombay ang tawag sa Paoay dahil ipinapangalan noon ang mga nayon sa pinagmulan ng mga unang nanirahan dito at sila nga ay pinaniniwalaang mula sa Bombay, India.
Ang orihinal na pamayanan ay nasa Callaguip (ngayon ay isang baryo na lamang ng Paoay), sa dalampasigan ng South China Sea, dalawang kilometro sa kanluran ng kasalukuyang kabayanan.
Dahil sa patuloy na panggugulo ng mga mananalakay na mga pirata at Moro, lumipat sa karatig na pook ang mga tao na kinaroroonan ngayon ng kabayanan.
Nagmagandang-loob ang mga unang nanirahan ng karatig-nayon ng Batac na makipisan na lamang sa kanila ngunit tinanggihan ito at sinabing “Maka-paoay kami ang ibig sabihin sa Ilokano ay mamumuhay sila nang di-umaasa sa iba. Ikinasama ito ng loob ng mga taga-Batac at ginamit naman ang Paoay bilang pangalan ng bayan.
Noong 2000, sa paghuhukay sa loob ng simbahan, natuklasan ang sinaunang kalansay ng tao at ilang piraso ng seramika. Kasalukuyan itong nakalagak sa Pambansang Museo ng Filipinas.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Simbahang Paoay "