Ano ang ibig sabihin ng salitang agunyas?


Mula sa salitang agonias ng wikang Espanyol, ang agunyas ay tumutukoy sa tugtog ng kampana ng simbahan para sa namatay ang agunyas. Tinutugtog nang mabagal ang batingaw sa mismong araw ng pagkamatay ng isang miyembro komunidad lalo na,t isa itong taong kilala.


Sa kasaysayan, mahalaga ang ritwal na ito sa pagtugtog ng agunyas para sa tatlong paring martir nang bitayin sila noong 1872 sa Bagumbayan. Hindi sana dapat ipagluksa ang kamatayan ng Gomburza dahil binitay sila sa pagkakasalan laban sa pamahalaan. Subalit ipinatugtog ang mga kampana sa Katedral at sinundan ito ng ibang simbahan. Na isang pahiwatig na hindi lubusang naniniwala ang Arsobispo sa gawa-gawang paglilitis at sa hatol ng mga nagsabwatang fraile at opisyal ng pamahalaan. Bukod sa pagluluksa, ang agunyas para sa Gomburza ay naging simbolo ng pagtutol laban sa walang-katarungan pagpatay sa mga lider ng sekularisasyon.


Sa nobelang El Filibusterismo, ang agunyas para sa pagkamatay ni Maria Clara ay naghudyat ng pagkasawi ng mga plano ni Simoun na nang lumaon ay naging sawimpalad rin. Lahat ng balak ni Simoun nang bumalik sa Filipinas ay maghiganti at mabawi si Maria Clara. Buong-buo na ang kaniyang planong himagsik at pagmasaker sa mga lider ng pamahalaan. Ngunit iginupo siya ng pagtugtog ng agunyas kay Maria Clara at ipinatigil ang nakahanda nang pagsalakay.


Ang agunyas ay tinutugtog din kapag dapithapon upang ihudyat ang pagwawakas ng araw. Sa mga lalawigan hanggang ngayon ay hudyat ito upang tumigil sa maghapong gawain, humarap sa dakong simbahan, at saglit na mag-alay ng panalangin. Isang ritwal itong hinding-hindi na napapansin sa magulo’t nagmamadaling buhay sa lungsod.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: