Salvador del Mundo
Magalíng na siyentista, musiko, at pasimuno sa teknolohiya ng seramika sa Pilipinas, ipinanganak si Salvador del Mundo noong 28 Oktubre 1902 sa Boac, Marinduque.
Gayunman, sa Maynila siya nag-aral at nagtapos nang balediktoryan sa elementarya at sekundarya. Nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas at lumikha ng rekord dahil nagtapos ng bachelor of science sa kemistri noong 1925 nang summa cum laude. Siya ang unang nagkamit ng gayong karangalan sa UP. Tinapos niya ang doktorado sa kemistri sa UST noong 1934.
Isa rin siyang mahusay na musiko. Marunong siyáng tumugtog ng piyano, gitara, at biyolin. Tumugtog siya ng organo sa Katedral ng Maynila.
Pagkatapos sa UP, nagtrabaho siya sa Cebu-Portland Cement Company. Pagkuwan, lumipat siya sa Bureau of Science. Naging interesado siya sa potensiyal ng seramika at noong 1931 ay ipinadala ng gobyerno sa Japan para magmasid sa mga pabrika ng seramika.
Naglakbay din siya sa Germany at ibang bansa sa Europa para pag-aralan pa ang larangan. Pagbalik, sinimulan niya ang manupaktura ng baso mulang abo ng bagaso. Pinuri sa Philippine Carnival Exposition noong 1933 ang kaniyang planong planta ng baso. Hinangaan din ang kaniyang bagong paraan ng pagpapaputî sa himaymay ng buntal at manupaktura ng tiles.
Noong 1936, lumipat siya sa Ceramics Industry of the Philippines ng pamilya Tuason. Naging sikat ang kompanya sa manupaktura ng mga produktong pang-estruktura.
Maraming nakamit na gawad si del Mundo, kabilang na ang pagiging charter member ng National Research Council of the Philippines.
Noong 13 Pebrero 1945, sa liberasyon ng Maynila, tinamaan siya ng ligaw na bala at namatay.
Pinagmulan: NCCA Official | Flickr
Mungkahing Basahin:
No Comment to " Salvador del Mundo "