Bonifacio Abdon: Ama ng makabagong kundiman


Si Bonifacio Abdon (Bo·ni·fás·yo Ab·dón) ay isang mahusay na biyolinista, konduktor, kompositor, at guro ng musika at kinikilala bilang “Ama ng Makabagong Kundiman.”


Ang kaniyang komposisyon na “Kundiman” ang unang kundiman na nakalimbag sa papel. Binigyan niya ng pormal na estruktura ang kundiman bilang isang anyo ng komposisyong itinatanghal at higit sa kalagayan nitó noon bilang popular na awiting-bayan.


Karamihan sa mga komposisyon ni Abdon ay ginamit sa mga sarsuwela sa wikang Tagalog. Lumikha siya ng musika para sa kaniyang bayaw na si Patricio Mariano, na sumusulat ng mga dula para sa mga teatro sa Maynila noong unang bahagi ng dekada 1900.


Nagdirihe rin siya ng orkestra. Sinulat niya ang musika para sa mga dula ni Aurelio Tolentino na La Rosa (1908), La Boda Maldita (1908), Manila Cinematografica (1908), at Crimen sobre Crimen (1909).


Itinatag niya ang Orchestra Oriental noong 1910 at naging unang direktor ng musika ng Asociacion Musical de Filipinas noong 1912. Nagturo siyá ng biyolin sa kaniyang bahay sa Quiapo, Maynila na magiging Escuela de Violin kinalaunan.


Hinirang siyá bilang guro ng biyolin sa Konserbatoryo ng Musika ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1920. Noong sumunod na taon, isa siyá sa mga naging kasaping tagapagtatag ng Manila Chamber of Music.


Isinilang siya noong 14 Mayo 1876 sa Santa Cruz, Maynila kina Gregorio, isang karpintero at panday ng ginto, at Juliana Abdon. Sa kaniyang kabataan, tumira si Abdon kasama ang kaniyang lolo sa Pandacan, na tinatahanan ng ilan sa mga tanyag na musikero noon.


Nag-aral siya ng solfeggio sa isang bulag na guro na kilala bilang Mandong Bulag. Pagkaraan, nag-aral siyá sa Ateneo Municipal de Manila at naging bahagi ng koro nito.


Sa edad trese, natuto siyang tumugtog ng biyolin, at pagkaraan, komposisyon, kay Ladislao Bunos. Nagprisinta siya bilang valet sa mga bumisitang pangkat ng opera mula Italya upang matuto mula sa mga maestro nitó.


Nagkaroon siyá ng limang anak sa asawang si Felisa Mariano.


Pumanaw siya noong 23 Abril 1944 at inilibing sa Manila North Cemetery.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: