On
Ang Original Pilipino Music o OPM ay isinilang sa panahon ng Batas Militar.


Noong dekada 1970, ang industriya ng musika ay hindi pumapabor sa mga lokal na musiko at higit na pinapaboran ang pagsasahimpapawid ng popular na musikang dayuhan. Ang musikong nagbigay-daan para sa pagkilala sa OPM ay ang bandang Juan de la Cruz, na binubuo nina Joey “Pepe” Smith, Mike Hanopol, at Wally Gonzales.


Nakilala sila lalo na sa kanilang awit na “Ang Himig Natin.” Ang titik ng awit ay paglalarawan sa kalagayan at mithiin ng musikong Filipino sa panahong iyon at paghamong magkaisa upang maitanghal ang kakayahan ng mga lokal na musiko.


Sa panahon ding ito, tinangkang palaganapin ang kamalayang pangkultura ng mamamayang Filipino. Itinayo ang Folk Arts Theater, Makiling High School for the Arts, Philippine International Convention Center, at mas nauna pa rito, ang Cultural Center of the Philippines.


Noong 1975, ang Broadcast Media Council na B75-31 ay naglabas ng isang resolusyong nag-uutos sa lahat ng estasyong panradyo na may programang pangmusika na magpatugtog ng isang musikang Filipino bawat oras.


Sa panahong ito, nagsimula nang bumenta ang OPM na kinabibilangan ng musika nina Sharon Cuneta, Rico J. Puno, Nonoy Zuñiga, Leah Navarro, Celeste Legaspi, Florante, Mike Hanopol, at mga grupong Apo Hiking Society, Hotdog, VST & Co.


Noong 1978, nagsimula rin ang Metro Manila Popular Music Festival o Metropop, isang tagisan ng husay sa paglikha ng kanta na naglalayong iangat ang musikang Filipino. Dito nagwagi ang Anak ni Freddie Aguilar na kinilala hindi lámang sa Filipinas kundi sa Asia at Europa. Sa Metropop din isinilang ang bagong henerasyon ng kompositor, sina Ryan Cayabyab, Vehnee Saturno, Louie Ocampo, Odette Quesada, Heber Bartolome, Gary Granada at iba pa.


Sa panahon ng OPM ay umusbong ang iba’t ibang genre ng musikang Filipino. Kabilang dito ang Pinoy folk, na kinakatawan ng grupong Asin; disco music tulad ng “Annie Batungbakal” at “Bongga ka Day!” rock tulad ng “Laki sa Layaw” at “Nosi Balasi”; at inspirational gaya ng “Lift Up Your Hands,” at “Lead Me Lord.”


Pinagmulan: NCCAofficial | Flickr