Pinoy ang kolokyal na tawag sa mga Filipino sa loob at labas ng Pilipinas. Mula ito sa hulíng dalawang pantig ng “Pilipino” at dinagdagan ng panlaping –y, na karaniwang ginagamit sa pagpapalayaw, gaya sa Moy, Totoy, Loloy, at iba pa. Tiyak na nagsimula ito sa isang biruan ngunit naging popular nang gamitin ito bilang tatak ng nasyonalidad ng mga Filipino sa Estados Unidos noong dekada 20. “Pináy” naman ang gamit kapag tinutukoy ang babaeng Filipina.


Pinasimulan ito ng mga Filipino-Amerikano nása Estados Unidos bilang pantukoy sa mga Filipino na ipinanganak o naninirahan sa Estados Unidos. Una itong lumabas sa mga magasin at diyaryo na tumatalakay sa mga usaping panlipunan ng Filipino noong mga taóng 1920. Ang ilan ay mula sa mga isinulat nina Dr. J. Juliano sa Philippine Republic noong 1924; ang pagbanggit ng publikasyong History of the Philippine Press sa publikasyong Pinoy sa Capiz at ang tagalimbag nitóng Pinoy Publishing Company noong 1926; ang artikulo mula sa Khaki and Red hinggil sa Kapatiran Gang ng Intramuros na naglalayong protektahan ang mga Pinoy laban sa abuso ng mga sundalong Amerikano noong 1930.


Ginamit naman ito ni Carlos Bulosan sa kaniyang akdang America Is in the Heart noong 1946. Ginamit din ito ng mga Filipino-Amerikanong aktibista at artista noong kasagsagan ng kilusang Fil-Am noong mga dekada 1960-1970. Ngayon, isa na itong pambansang impormal na tawag sa Filipino. Nakatulong pa ang pagpapatawag ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino sa sarili na “PNoy” o pinaikling “Pangulong Noynoy.”


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr