Sino si Bienvenido O. Juliano?


Kilala si Bienvenido O. Juliano (Byén·ve·ní·do O Hul·yá·no) sa buong daigdig bilang nangungunang dalubhasa sa pag-aaral ng kalidad ng butil ng bigas. Ang kaniyang pag-aaral sa taglay na protina, gawgaw, at komposisyong kemikal ng bigas ay naging basehan sa pagpapaunlad ng produksiyon ng butil.


Naglathala siya ng mahigit 370 siyentipikong artikulo, monograp, at libro hinggil sa kemistri ng butil kabilang na ang Rice in Human Nutrition, Grain Quality Evaluation of World Rices, at Rice Chemistry and Quality. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong 2000.


Sa pamamagitan ng mga siyentipikong imbestigasyon at pagsubok na kaniyang ginawa sa laboratoryo ng Philippine Rice Research Institute, natuklasan niya ang taglay na protina, gawgaw, at kemikal ng iba’t ibang uri ng butil ng bigas. Ginamit niya ang mga pag-aaral na ito upang paunlarin ang mga katangian pampalusog ng butil at pagbutihin ang hilatsa, lasa, at ang kabuuang kalidad ng lutong kanin. Naging batayan ang kaniyang pananaliksik sa pagtuklas ng mga bagong teknolohiya at estratehiya sa pagapapalahi ng palay at pagpapayaman ng nutrisyon ng butil.


Ang Rice Chemistry and Technology ang isa sa pinakamahalagang akda na kaniyang isinulat. Inilathala ito ng American Association of Cereal Chemist at nagsisilbing batayan sa iba pang pag-aaral sa butil ng bigas. Isinulat niya ang Rice in Human Nutrition noong 1993 para sa Food and Agriculture Organization ng United Nations at ang Grain Quality Evaluation of World Rices na naging mahalagang panuntunan ng IRRI sa pag-aaral ng bigas.


Isinilang si Juliano noong 15 Agosto 1936. Nagtapos siya ng Batsilyer sa Agrikultura noong 1955 sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños. Nagpatuloy siyá ng pag-aaral sa Ohio State University at nakapagtapos ng masterado at doktorado sa Organikong Kemistri.


Nagsilbi si Juliano ng mahigit tatlong dekada bilang pangunahing mananaliksik ng IRRI at sa kalauna’y pinuno ng Plant Breeding, Genetics, and Biochemistry Division hanggang magretiro noong 1993. Ipinagpapatuloy pa rin niya ang gawaing pananaliksik bilang tagapayo ng IRRI.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: