Tumutukoy sa mga kuwentong-bayan ng mga Mansaka ang humanhuman. Kadalasan, isinasalaysay ang mga human-human kapag may pagdiriwang at pagtitipon ng taumbayan, gaya ng kasal, lamay sa patay, at panahon ng anihan.


Minsan, isinasalaysay rin ang mga human-human kung nagkakatipon-tipon ang mag-anak para magsalo-salo ng pagkain. Gumagamit ang mga Mansaka ng linda, isang uri ng estilo upang mas madaling matandaan ng mga nagbahahagi ng human-human.


Isang popular na human-human ng Mansaka ang tauhang isang kimod, isang binatang lalaking may kakayahan na gawin ang anumang iutos sa kaniya ng iniibig na babae. Halimbawa, “Si Kimod at ang Diwatang Uwak.” Sa kuwento, upang maging asawa ni Kimod ang diwatang uwak, nilinlang niya ito sa pamamagitan ng pagtatago ng mahiwaga nitóng damit. Nang napilit ni Kimod na magpakasal sa kaniya ang diwata, kaniyang sinabi ang katotohan na siyá namang ikinagalit ng diwata at agad na bumalik sa kalangitan. Upang makuha niyang muli ang asawa, dumaan siya sa mga pagsubok hanggang sa mapagtagumpayan niya ang mga ito at nagsáma siláng muli.


Pumapaksa sa iba’t ibang inter-aksiyon ng tao sa kaniyang kapuwa at kaligiran ang human-human. Sa “Tinampikan,” isinasalaysay ang búhay ng mag-asawang Maison at Tinampikan. Hábang inaayos ni Maison ang barong-barong nila ni Tinampikan, nagutom ang babae. Nang nakita niya ang isang saging na saba, agad niya itong inihaw. Sa tákot na humingi at makihati ang kaniyang asawa, agad isinubo ni Tinampikan ang mainit na saging. Napasò siya, nabilaukan, at namatay. Dahil sa nakahihiyang kamatayan, kakaunti ang nakiramay at mabilis lamang na ibinurol si Tinampikan.


Matatagpuan ang mga Mansaka sa bulubunduking bahagi ng mga lalawigan ng Davao at Compostela Valley. Sinasabing nagmula sa mga salitang man (tao) at saka (umakyat) ang kanilang pangalan. Sa pagsasáma ng dalawang salitâ, tinutukoy ang mga táong umakyat sa bundok bilang kahulugan ng Mansaka.


Dahil hindi nila ninanais ang pakikipaglaban, lumayo sila sa kapatagan at tabing-dagat nang dumating ang mga mananalakay na Espanyol at mga Bisaya. Ang ilan sa mga naiwan nilang kalahi ay itinangi ang sarili at tinawag na Mandaya, mula sa dalawang salitâ: man (tao) at daya (ibabang bahagi ng ilog).


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: