Si Humadapnon ay isa sa mga bayani ng Hinilawod, isang epikong-bayan ng mga Sulod sa gitnang Panay.


Kasama ni Humadapnon sa kuwento ang dalawa pang bayani na sina Labaw Donggon at Dumalapdap. Sa isang bersiyon ng epiko, magkakapatid ang tatlong tauhan. Samantala, sa mas naunang bersiyon naman ay hindi niya kamag-anak si Labaw Donggon ngunit napangasawa ang anak nitóng si Nagmalitong Yawa.


Kung isasalin, ang salitang “hinilawod” ay nangangahulugang “kuwento mula sa bukana ng ilog Halawod.. Isa sa mga pinakamahahabang epiko ng mundo, aabutin ng tatlong araw ang pagkanta sa Hinilawod na may nairekord na ngayong bersiyong binubuo ng 8,340 na taludtod. Bukod sa pagiging mahalagang bahagi ng panitikan, nagsisilbing ebidensiya rin ang epikong-bayan ng mga sagradong ritwal at paniniwala ng mga Sulod.


Sa isang lumang bersiyon ng epiko, nagsimula ang paglalakbay ni Humadapnon nang nagpakita sa kanyang panaginip sina Taghuy at Duwindi, ang mga kaibigan niyang espiritu. Panukala ng dalawa na hanapin na ng datu ang kaniyang mapapangasawa at ito ay si Nagmalitong Yawa, anak nina Buyong Labaw Donggon at Uwa Matan-ayon.


Sa tulong ng kaniyang mga magulang, binuo nila ang isang datu at kapamilya na makakasama niya, si Dumalapdap. Sa paglalakbay ng dalawa, nakarating sila sa Tarangban, isang isla ng mga binukot na nang-aakit gamit ang napakaganda nilang tinig.


Sa kabila ng pagpapaalala ni Dumalapdap, tinanggap ni Humadapnon ang paanyaya ni Malubay Hanginon, ang pinakabata sa isla. Nagsara ang yungib ng Tarangban at naging bihag si Humadapnon sa isla sa loob ng pitong taon.


Sa pagbabalik ni Dumalapdap sa kanilang kaharian, iba’t ibang paraan ang ginawa ng kanilang mag-anak upang mailigtas si Humadapnon. Pabuyang kayaman ang ipinangako nila sa lalaking magiging tagapagligtas ng anak ngunit walang nagtagumpay.


Nakausap ni Dumalapdap ang mga kaibigang sina Duwindi, Taghuy, at Hangin at napagkasunduan nilang si Nagmalitong Yawa lang makapagliligtas kay Humadapnon dahil pareho sila ng lakas. Nagbalatkayo si Nagmalitong Yawa bilang lalaki at naging si Sunmasakay.


Pagdating nila sa Tarangban, agad binuksan ng mga binukot ang isla para sa inaakala nilang makisig na binata. Pinaslang ni Sunmasakay ang lahat ng binukot sa isla at iniligtas ang naengkantong si Humadapnon. Sa tulong ng mga kaibigang espiritu, binuhay nilang muli ang binata gamit ang tubig mula sa ikapitong antas ng langit.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: