Ang Yungib Callao (Kal·yáw) ang isa sa pinakapopular na pook sa lalawigan ng Cagayan, matatagpuan ito sa mga barangay Parabba at Quibal sa bayan ng Peñablanca, sa itaas ng Ilog Pinacanauan, kalahating oras mula sa Lungsod Tuguegarao. Ipinangalan ito sa ibong kalaw na sinasabing marami dito noon. May tila katedral na pormasyon ng bato ang isang silid ng yungib. May kapilyang itinayo sa bahaging ito.


Gayunman may pitong silid ang yungib. Una ang tinatawag na Aviary Room na may mga butas na pinapasukan ng liwanag ng araw at may mga ibon. Pook arkeolohiko ang isang bahagi nito. Pangunahing atraksiyon ang Divine Room na nabanggit nang ginagamit na dalanginan. Madilim ang silid na tinatawag na Dark Room. Ang Cream Room ay may pormasyon ng bato na hugis tatlong tumpok ng sorbetes. Ang Jungle Room ay may mga bato na hugis mga hayop. Ang Sun Room ay pinapasok ng sinag ng araw sa umaga.


Isang pagsubok sa lakas ng katawan ang paglusong sa yungib dahil umaabot sa dalawang daang baitang ang dapat lakarin bago marating ang kahanga-hangang mga pormasyon ng bato. Isa pang dagdag na aliwan ang pamamangka sa Ilog Pinacanauan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: