Sino si Dolorez Ramirez?


Tanyag na biochemical geneticist at isa sa pinakamahusay na plant breeder ng Pilipinas, itinaguyod ni Dolores Ramirez (Do·ló·res Ra·mí·rez) ang pagpapaunlad sa teorya at praktika ng henetika sa pamamagitan ng pagtuturo, aktibong pananaliksik, at pagsisikap na mapabuti ang mga patakaran sa agham at teknolohiya.


Dahil sa kaniyang ambag sa pagpapaunlad ng siyensiyang pang-agrikultura, iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham noong Marso 1997.


Batid ni Ramirez ang halaga ng henetika sa pagpapaunlad ng produksiyon ng pagkain sa Pilipinas. Dahil dito, nagsagawa siya ng mga komprehensibong saliksik sa cytogenetics ng palay, saging, tubo, mais, iba’t ibang butil, at mga palamuting halaman. Dahil dito, lumalim ang kaalaman ng mga magsasaka at plant breeders hinggil sa tamang pagpilì at paghahalò ng mga binhi upang mapahusay ang lahi ng kanilang tanim. Ang pag-aaral niyá hinggil sa iba’t ibang biochemical markers ay nagamit upang salain ang mahuhusay na uri ng binhi at butil.


Si Ramirez ay kilalá rin bilang mahusay na edukador at manunulat. Bilang guro, ipinakilála niyá sa mga mag-aaral ang makabagong paraan ng pagsusuri ng henetika. Nagsilibi siyang punòng patnugot ng The Philippine Agriculturist sa loob ng isang dekada at kagawad ng patnugutan ng Philippine Phytopathological Journal at Philippine Journal of Crop Science.


Isinilang si Ramirez noong 20 Setyembre 1931 sa Calamba, Laguna at anak nina Augusto Ramirez at Leonor Altoveros.


Natapos niya ang Batsilyer sa Agrikultura sa Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños noong 1956. Nagtungo siyá sa Estados Unidos bilang iskolar ng Rockefeller Foundation hanggang makapagtapos ng master sa Cytogenetics sa University of Minnesota noong 1958. Natapos niyá ang doktorado sa Biochemical Genetics sa Purdue University noong 1963.


Bumalik kaagad siya sa Filipinas upang magturo sa UP at ipagpatuloy ang pananaliksik sa plant breeding at cytogenetics ng mga halaman. Noong 1995, kinilála siya ng pamantasan bilang isang ganap na University Professor, ang pinakamataas na antas na maaaring makamit ng isang guro.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: